Published: February 24, 2026
| 30 views
Nitong mga nakaraang linggo, ako ay nagpakonsulta para sa aking prenatal check-up sa Fatima Medical. May isang nars doon na aking nakapanayam tungkol sa aking kalusugan. Habang kinukuha ang aking impormasyon, tinanong niya kung saan ako nagtatrabaho. Ang sagot ko naman ay sa Pandayan Superstore sa Paso de Blas. Pagkarinig niya nito ay agad siyang ngumiti sabay sabi, “Ay, Mabuhay po!” Natawa ako at binati rin siya, sabay tanong kung namimili rin ba siya sa Pandayan. Ang sabi naman niya ay madalas daw siyang bumili rito.
Habang patuloy niyang kinukuha ang aking mga vital signs, tuloy-tuloy rin ang aming kuwentuhan. Hindi ko makakalimutan ang sinabi niya: “Ang ganda niyo bumati, no? Ang sigla!” Ang sagot ko naman, “Salamat po, opo, ganoon po talaga kami bumati kahit sa aming mga katrabaho.” Pagkatapos ay tinanong ko rin siya kung ano ang madalas niyang bilhin at sa aling sangay siya madalas nagpupunta.
Nakakatuwa na sa simpleng pagbati natin ay tumatatak tayo sa mga panauhin. Naalala ko noong hindi pa ako nagtatrabaho rito, sa tuwing may bibilhin ako sa Pandayan, ang pagbati rin nila ang una kong napapansin. Tama nga naman na mas kaaya-aya mamili kapag pagpasok pa lamang ay masigla ka nang babatiin. Bilang panauhin noon, napakagaan sa pakiramdam at komportableng mamili dahil dito. Ito ang isa sa mga naging unang impresyon ko sa Pandayan bukod sa magandang serbisyo nito. Ang sarap balikan na ang pagbating ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ko ginustong magtrabaho sa Pandayan—at ngayon ay bahagi na ako nito.
#Samalikha #TatakPandayan