Published: February 21, 2026
| 63 views
Kamakailan lamang sa Learning Session ni Boss JVC na pinamagatang “Disenyo ng Makataong Samahan,” marami sa ibinahagi ni Boss ang tumatak sa akin bilang isang Kapwa at lider sa tindahan.
Isa sa mga pinakamalakas na mensahe para sa akin ay ang PITA ng Panday — Tawag at Tadhana, kung saan nariyan ang Tutok (Focus), Daloy (Flow), at Katuparan (Fulfillment). Naunawaan ko na ang Tawag ay ang natatanging silbi ng isang tao sa mundo—ang bagay na natural mong nagagawa at may saysay sa iba. Samantalang ang Tadhana naman ay ang direksyong kailangan mong marating at panindigan.
Kapag malinaw ang Tawag at Tadhana, doon pumapasok ang Daloy, kung saan nagiging mas magaan ang trabaho, mas malinaw ang direksyon, at mas buo ang loob sa ginagawa. Malinaw ko itong naiuugnay sa aming trabaho sa Pandayan. Kapag alam ng bawat Kapwa ang kanyang silbi at malinaw ang direksyon ng samahan, mas nagiging maayos ang takbo ng operasyon. Hindi na basta trabaho ang ginagawa, kundi isang misyon na may kabuluhan.
Dito ko rin mas naintindihan ang Tungkulin #3, na magtatag ng isang samahang nakatuon sa Buhay-Panday at sa Kilusang DK—isang samahang nagtataguyod ng personal growth, productive work, at profitable company. Ipinapaalala nito na hindi lamang negosyo ang Pandayan, kundi isang organisasyong humuhubog ng tao.
Isa rin sa pinakatumatak sa akin ay ang konsepto ng Kapwa Empowerment. Sa pagpapaliwanag ni Boss sa Filipino ng dating "5E’s of Kapwa Empowerment," mas lalong naging malinaw ang ibig sabihin nito.
Sa huling bahagi ng learning session, naibahagi rin ang KUDON, na lalong nagpatibay ng aking pag-unawa sa makataong samahan:
• Kabuluhan: Ang pagkakaroon ng saysay sa ginagawa.
• Ugnayan: Ang matibay na relasyon na hitik sa "Kapwa factor."
• Damdamin: Ang positibong emosyon na nagpapagaan ng loob sa trabaho.
• Okupado: Ang mahusay at "engaged" na pagtupad sa tungkulin.
• Napagtagumpayan: Ang mga tagumpay na bunga ng sama-samang pagsisikap.
Lahat ng ito ay nagsisilbing paalala na ang isang organisasyon ay hindi lamang umiikot sa resulta, kundi sa tao at sa kahulugan ng kanilang ginagawa. Sa kabuuan, ang Learning Session na ito ay nagsilbing gabay sa akin bilang tagapagpatupad at lider sa tindahan. Mas malinaw na sa akin ngayon na ang tunay na lakas ng Pandayan ay nagmumula sa makataong samahan—kung saan ang bawat Kapwa ay may Tawag, may Tadhana, at may puwang upang umunlad.
Sa patuloy na pagsasabuhay ng mga prinsipyong ito, mas nagiging buo, makabuluhan, at makatao ang aming pagtatrabaho araw-araw.
#Samalikha #LakbayDiwa #IsipPanday