Published: March 8, 2026
| 29 views
Pagkalabas ko sa store, nakasanayan ko na bago umuwi ay dumaan muna upang bumili ng aming uulamin. Habang ako’y nasa daan, napansin ko ang isang babaeng nakamotor na nasa aking unahan. Maya-maya’y may nakita akong nahulog mula sa kanya. Nang mapalapit ako sa bagay na nahulog, agad kong napansin na ito pala ay isang wallet. Agad akong nagbusina upang ipaalam sa kanya, subalit hindi man lamang siya lumingon. Dahil dito, pinulot ko ang wallet at kaagad siyang hinabol. Nang maabutan ko siya, pinara ko ang kanyang motorsiklo at sinabi kong nahulog niya ang kanyang wallet. Kitang-kita sa kanyang mukha ang gulat at tuwa.
Agad siyang nagpasalamat at inabutan pa ako ng isang daang piso bilang gantimpala. Magalang ko itong tinanggihan at sinabi, “Hindi na po, masaya na po akong naibalik sa inyo ang gamit ninyo.” Muli siyang nagpasalamat at tinanong kung saan daw ako nagtatrabaho. Sinabi ko naman na ako’y empleyado ng Pandayan Bookshop. Pagkatapos nito, kami’y nagpaalam sa isa’t isa at siya’y umalis na paulit-ulit ang pasasalamat.
Kinabukasan, habang ako’y nagsusulat ng book of accounts sa store, bigla na lamang tumunog ang radyo at may naghahanap daw sa akin. Napaisip ako kung sino ang maghahanap sa akin nang ganoon kaaga. Laking gulat ko nang malaman na ang naghahanap pala sa akin ay ang babaeng aking natulungan kagabi. Dumating siya upang muling magpasalamat at may dala siyang isang supot na talong na mula raw sa sarili nilang tanim. Ayon sa kanya, bihira na raw ang mga taong may malasakit sa kapwa, lalo na sa panahong halos lahat ay nangangailangan ng pera. Pinuri niya ako dahil mas pinili ko raw ang gumawa ng mabuti kaysa isipin ang pansariling kapakanan, at umaasa siyang mas marami pang maging katulad ko. Napangiti na lamang ako at taos-pusong nagpasalamat sa kanyang mga sinabi. Sa pagkakataong iyon, mas lalo kong naunawaan na may mga bagay na mas masarap gawin: ang gumawa ng mabuti kaysa isipin ang pansariling kapakanan lamang.
#Samalikha #TatakPandayan