Tamang Pagkausap

Tamang Pagkausap

Nito lang nakaraang linggo ay isang panauhin ang kasama ang kanyang anak na namili sa amin dito sa tindahan. Marami rin silang pinamili pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay hinawakan at tiningnan ng kanyang anak ang isa sa ating paninda, ang Pandayan Crayons na 24s at ito ay nahulog.
 
Nakita ito ng ating Detective kaya’t agad niya itong sinabi sa akin dahil nabali ang isang kulay nito. Tiningnan ko muna kung ano ang ginagawa ng naturang panauhin dahil sa labasan ito ay medyo marami ang tao sa amin. Hindi ko pinili na kausapin siya sa ganoong estado naghintay ako ng tamang panahon at pagkakataon para siya ay kausapin.
Noong nakita ko na papalapit na siya sa counter para magbayad ay tiningnan ko kung may kasunod siya sa pila. Mabuti naman at wala kaya habang pina-punch ng aming CSS ang kanyang pinamili ay agad akong lumapit sa kanya at sinabi ang nangyari. Sinabi ko sa kanya ang nangyari sa pinakamahinahon, pinakamahina at pinakapribadong paraan.
 
Agad naman siyang tumugon at humingi ng dispensa sa nangyari. Nagpasalamat din siya dahil sa maayos daw na pagsabi ko sa kanya. May pagka special child daw ang kanyang anak kaya’t hindi raw makakabuti sa bata na kausapin ng tungkol sa ganoong bagay baka raw magbago ang mood at magwala kaya’t nagpasalamat siya na sa ganoong paraan ko siya kinausap.
 
Agad naman niya itong binayaran at nagpasalamat. Humingi rin naman ako ng dispensa dahil sa pagpapabayad nito sa kaniya at sinabi kong store policy kasi ito. Naiintindihan naman daw niya ito at muling nagpasalamat.
Dito natin masasabi na sa mabuti at mahinahon na pakikipag-usap ay mas nagiging madali ang pagresolba ng problema. Walang problemang hindi na reresolba sa maayos at mahinahon na na pag-uusap.
 
Madalas kasi nagsisimula ang problema sa kung paano natin sila ina-approach. Hindi natin napapansin baka siya nagkaganoon ay napahiya siya dahil sa marami ang nakarinig. Sa ganitong pagkakataon ay maaaring magbago ang mood niya at mas malaki ang chance na magalit ito.
 
Dapat ay alagaan din natin ang imahe ng ating tindahan sa sa mga ganitong aspeto. Kaya naman natin ipagtanggol ang ating sarili, ang tindahan, at mga ari-arian sa maayos at mapayapang pamamaraan.