TIP

TIP

Sa paglapit ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon ay atin muling nararamdaman ang pagdagsa ng mga Panauhin sa ating tindahan. Nariyan ang namimili ng mga panregalo at dekorasyon at ang mga nagpapabalot ng mga regalo.
Mayroon lumapit sa aking Panauhin na nagtatanong ukol sa charge natin sa pagpapabalot ng regalo. Pinaliwanag ko na ang singil sa service charge kung galing sa ating tindahan ang ipapabalot ay magsisimula sa sampung piso habang kinse kung ito ay galing sa labas at magbabago lamang kung hihigit sa 2 wrapper ang magagamit sa isang babalutan. Nagtanong siya kung kaya namin matapos ang higit sa benteng babalutan hanggang hapon. Aking pabirong sinagot ang Panauhin na kaya namin ito basta hindi ref o sofa ang babalutan. Nakangiti itong sumagot sa akin ng hindi at puro laruan lamang daw ang kanyang pababalutan. Marami raw kasing tao kaya iniisip niya kung kakayanin namin itong maisingit. Akin itong tinanggap at mamaya nga ay may dala nga itong isang malaking ecobag na punong-puno ng laruan na kanilang gagamitin bilang giveaway. Inihabilin na niya ito sa amin at kanya na lamang daw babalikan pagkatapos sapagkat mamimili pa siya ng iba pang regalo para naman sa kaniyang pamilya.
Sa totoo ay marami pa ang nagpapabalot noon sa amin na ibang Panauhin ngunit dahil sa maayos na pakiusap ng Panauhin ay akin itong isiningit. Tutal hapon pa naman niya ito kukunin. Pinagtulungan namin ito para matapos at nang bumalik ang Panauhin ng hapon ay natuwa ito dahil tapos at maayos naming nabalutan ang lahat ng laruan. Dumiretso siya sa pagbayad nito at nang kukunin na niya ang mga laruan ay binulungan niya ako sabay abot ng tip. Ipangmerienda daw naming mga nagbalot. Nagulat ako noong oras na iyon sapagkat bigla na lang itong iniabot ng Panauhin habang may binabalutan din akong iba pang pangregalo. Bago pa man makaalis ang Panauhin ay akin muling ibinalik ang pera sa kanya at nagsabi ng pasasalamat. Aking ipinabatid na mas ikakatuwa namin ang kanyang muling pagbabalik sa tindahan. Tinanong niya ako kung sigurado ako at ako ay tumango. Sayang daw yung tip dahil maaari ko itong idagdag sa aking kikitain ngunit tulad ng lagi kong sinasabi ay may mas nangangailangan pa kaysa sa akin. Itinuro ko ang PGH can at nangiti ang panauhin. Bago ihulog ang pera ay muli akong tinanong ng Panauhin at nakangiti akong tumango sa kanya.
Umalis nang nakangiti ang Panauhin sa aming tindahan at dito naalala ko ang mga sinabi nila Boss noong Christmas Party. Ang ganitong mga aral ng Pandayan ang lubos na hinahangaan ng mga Panauhin sa ating mga tindahan kaya nila tayo tinatangkilik. Ang pagbibigay natin ng paglilingkod na taos sa puso at ang pakikipagkapwa.