Store Visit at GPP2023
Sa aking pagdalo sa ating taunang year end party, ito ang unang beses na makasama sa entablado ang mga Boss at GEs na kumakamay sa mga Kapwang nagbigay ng todo effort sa kanilang tindahan.
Parang kailan lang kaisa ako sa mga Kapwa na nagbibigay ng todo effort sa tindahan. Ibang-iba talaga ang pakiramdam sa pagpupursige sa mga plano sa tindahan. Napakasarap ng pakiramdam kapag may mga idinadaos kang workshops at events. Worth it ang pagod!
Sa 17 years ko sa Pandayan, hindi ko lubos maisip talaga na ito na ako ngayon.
Tinanong ako ni Boss Paula sa unang araw naming magkasama, “Kumusta ang pagiging GE, Neth?”
Wika ko kay Boss Paula na masaya at masarap sa pakiramdam na may pangkat na akong kasama ngayon na dati isang kopon po ang aking kasama, ngayon anim na kopon na sa aking pangkat!
Hindi po mahirap ang trabaho. Siguro dahil masaya ako sa aking ginagawa. Ang biyahe nakakapagod pero nasanay na po ako. Ang naiisip ko kasi ay may mga Kapwa akong natuturuan at nagagabayan.
Naisip ko habang kausap ko si Boss Paula (parang naging kampante na ako na kakwentuhan siya), ang tagal na pala ng aking pagtahak sa landas ng Pandayan. Nasabi ko kay Boss, “Siguro po Boss kung nasa abroad ako hindi ganito ang makakamtan ko sa aking pangarap. Ngayon kasi may mga Kapwa akong natuturuan at ginagabayan, sa abroad hindi ko maisip kung ano na ang aking naging landasin sa buhay.”
Nabibigay ko ang pangangailangan ng aking pamilya. Nasusuportahan ko pa rin ang aking mga magulang. Ang pangarap ng Pandayan para sa mga Kapwa ay unti-unti na naming natutupad nang hindi lumalayo sa aking pamilya.
Malaking pasalamat ko sa sign na binigay sa akin ng Panginoon. Ang hiningi ko lang sa Kanya ay magkaroon ng permanenteng trabaho pero lubos-lubos ang binigay Niya sa akin, ang magkaroon ng magandang kompanya at mababait na mga Boss. Tunay nga kapag nagdasal at naniwala ka sa ating Panginoon ay hinding hindi ka Niya pababayaan.
Kitang-kita sa ating mga Boss ang pagkasabik na mapuntahan at makadaupang-palad ang lahat ng Kapwa. Hindi ko mawari kung napagod ba sila Boss sa biyahe, pero parang hindi! Ang nakita ko sa kanila ay ang katuwaan sa kanilang mga mata na “andun sila sa mismong party!” Nandoon sila para maki-party sa mga Kapwa! Ang mga Boss, nakikipagsayawan! Nakiki-Tiktok sa mga Kapwa. Hindi mo nga malaman na sila pala ang mga Boss. Game na game sila sa party!
Nakakatuwa dahil lahat ng Kapwa ay nais makita nang personal ang mga Boss. Nag-uunahan na makapagpapicture. Sa isip-isip ko, “Napakasuwerte ko kasi 5 days at 4 nights kasama ko sila!” Sa tanang buhay ko hindi ako makapaniwala na makakasama ko ang mga Boss namin!
Sa pagbisita sa mga tindahan ay ramdam ko sa mga Kapwa pagkasabik na madalaw sila ng mga Boss. Kabado pero ang excitement sa kanilang mga mukha na mapuntahan sila ng personal ng mga Boss ay hindi matatawaran. Marami akong nakuhang ibang mga ideya sa bawat tindahan na napuntahan ko. Bawat makita kong ideya na meron sila ay pinipicturan ko para ma-share sa aking pangkat. Marami rin akong natutunan sa aking pagbisita sa iba at ibang sangay natin.
Sa aking Store Visit at GPP 2023 Journey, masarap na makasama ang mga Boss. Hindi ko makakalimutan ang pagkakataong ito. Para akong naging anak ng mga Cabochan! Masarap talaga palang makasama si Boss Paula, mga tawanan at kwentuhan na naging bonding namin. Hindi pala sya nakakailang kasama. Maraming Salamat po sa masarap at magandang biyahe kasama kayo Boss.