
Sining Pandayan sa Bundok
Noong Oktubre sinubok namin puntahan ang Bantad- Villafuerte Elementary School dito sa linang o kabundukan ng Gumaca, Quezon upang mag-alok ng Sining Pandayan. Halos isang oras ang layo mula sa kalsada dahil ito ay sa itaas pa ng bundok. Hindi naging balakid ang layo at mailap na sasakyan para makaahon.
At sa unang pagkakataon natuloy noong November 7 ang aming Sining Pandayan sa kanilang paaralan. 6:00 AM pa lang ng umaga ay nag-aabang na kami ng sasakyan mula sa bayan dahil almost 2 hrs. ang biyahe papunta sa paaralan. Dito sinubok ang aking kakayahan at tibay ng katawan, dahil paahon ng bundok at marami kaming dala. Halos ayaw umahon ng tricycle na aming sinasakyan. Naranasan ko na magtulak ng maraming beses para lang umaandar ang sasakyan. Kahit may takot dahil bangin at matarik ang daan, iniisip ko rin ang kaligtasan ng probee na aking kasama. Balot ng pangamba at pag-aalangan, sinubok ako ng aking isipan kung itutuloy ko pa lalo’t umaatras at baka tumaob ang sinasakyan. Hindi pa man nakakarating sa paaralan ay hilang at pagod na aking nararamdaman. Noong medyo malapit na kami sa paaralan at rough road o putik na ang daan, akala ko ay iiwan na kami sa daan at maglalakad na lamang. Ngunit nagkaisa kami ng tricycle driver para sumulong at makarating sa Villafuerte ES.
Maghapon ang naging program dahil magkahiwalay ang Bantad-Villafuerte ES. Kahit mahirap at nakakapagod, naging bale wala ito noong makita namin ang saya at tawa ng mga bata sa aming palaro at lalo noong makakita sila ng mascot. Dahil unang beses, namamangha ang mga bata sa kanilang naging experience. Sulit ang pagod at hindi ko makakalimutan ang naging experience ko sa paaralan na ito. Sana raw ay bumalik kami ulit at huwag madala sa pag-ahon para makapagpasaya sa kanilang mga mag-aaral. Nag offer pa ang mga guro na sa susunod ay magawan nila ng paraan ang aming service na sasakyan.