Sariling Wika
“English is a language, not a measure of one’s intelligence.” High school pa lamang ako noon ay nasa isip ko na isa sa mga kasanayan sa wikang Ingles ang isa sa mga requirements upang matanggap sa trabaho kaya naman isa ito sa aking pinagtuunan ng pansin na malinang habang ako ay nag-aaral. Bagay na nagdulot naman ng mabuti kahit pa nga hindi ako ganoon ka-fluent.
Sa akin ngang pag-aapply sa iba’t ibang mga establisyimento na maaari kong mapagtrabahuhan, madalas na ang wikang Ingles ang gamit na pananalita lalo na sa mga job interviews kaya naman talagang ako ay nagulat at nanibago noong ako ay natawagan ng Pandayan Bookshop para sa interview.
Napatigil pa ako noon at napaisip kung paano ko sasagutin ang mga katanungan sa akin. Pinatigil ako saglit sa aking pagsasalita at sinabihan na hindi kailangang sa wikang Ingles ako sumagot, dahil kung mapapansin ko raw ay ang ating sariling wika ang siyang lengguwahe sa tindahan hindi lamang sa pakikipagtalastasan sa mga panauhin kundi gayon din ang buong korporasyon.
Sa akin ngang pagsisimula na magtrabaho rito, nanibago pa ako sa mga terms na gamit rito mula sa Aral sa Disiplina, Mission, Vision, Timbangan ng Tagumpay at iba pa. Ngunit habang tumatagal, unti-unti kong napagtatanto base sa aking obserbasyon na hindi kailangang wikang Ingles ang gamit sa pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan sa isang organisasyon o korporasyon upang masabi o maipakita na magagaling ang mga manggagawa roon, dahil hindi wika ang timbangan sa kakayahan at kapasidad ng isang indibidwal. Sa katunayan, mas epektibo ang paggamit ng ating sariling wika dahil naiintindihan ito ng lahat.