Reciprocity
Tuwing lumalakas ang ulan dito sa Lemery ay lagi ako nangangamba dahil laging bumabaha ang daan dito at hindi makalusot ang mga maliliit na sasakyan. Noong unang beses ko ito naranasan ay halos madaling araw na ako nakauwi dahil kakahupa pa lamang ng baha at pwede na makalusot ang mga sasakyan gaya ng kotse at motor.
Dumating na naman ang araw na hindi inaasahan at nanalansa ang Bagyong Carina. Madaming lugar, bayan at establishment ang binaha. Kasama na naman ang bayan ng Lemery. Sa mga oras na iyon ay madami muli ang mga na stranded at isa na ako doon. Naging handa naman ang mga service ng iba’t ibang baranggay ng Lemery at nagtulong-tulong sa pag-rescue.
Habang naghihintay sa pila ng tulong para makatawid ang mga may motor ay may biglang lumapit sa akin na lalaki at nag-offer na isampa ang aking motor sa sasakyan niya. Sabi pa niya, “Sir, di ba taga-Pandayan ka? Halika, sunod ka sa akin. Sampa na natin motor mo.” Kahit medyo nahihiya dahil may pila ay agad naman akong pumayag upang makauwi agad dahil inaalala ko rin ang aking pamilya na nasa aming bahay at panay na rin ang update ng aking asawa na lumalakas na ang tulo sa bahay. Noong aking maaninagan ang mukha ng lalaki , ito pala ay ang Kapitan ng barangay na aming pinagsagawaan ng coastal clean up. Agad naman ako nagpasalamat sa kanya dahil nakaiwas sa pagkasira ang aking motor at mas maaga rin ako nakauwi sa amin.