Pandayan Maternity Benefit
Ang bilis nagdaan ng panahon. Parang kailan lang pero natapos na pala ang mahigit tatlong buwan na maternity leave ko matapos ko maisilang ang aming bunsong anak. Ngayong araw ang resume ko sa trabaho makalipas ang 105 days na ML benefit mula sa SSS. Mahirap sa simula at talaga namang ibayong adjustment na kakaharapin matapos ang ilang buwan na pahinga sa trabaho. Sa umaga nga pagpasok ko ay halos maiyak pa ako nang iwan ko ang aking tatlong buwang gulang na anak sa bahay. Parang ang bigat sa dibdib na tumalikod pero dahil nga may pusong Panday at sanay sa pagharap sa mga hamon ng buhay ay ramdam ko na kakayanin ko ang mga adjustment na ito. Pagdating ko sa tindahan ay nag-chat kaagad sa akin si Ma’am Frence mula sa Tilap ng Pakikipag-kapwa upang kumpirmahin ang aking pagbabalik-trabaho at para ipaalam na rin na forwarded na daw sa Tilap ng Pasahod ang aking Pandayan Maternity counterpart benefit at coordinated na rin kila Ma’am Aian para sa uploading nito.
Ang nabanggit na counterpart benefit ay isa lamang sa napakaraming benepisyo na natatanggap ng mga Kapwa Panday mula sa ating mabuting kompanya. Bukod sa maternity benefit na kanyang matatanggap mula sa SSS habang siya ay nakapahinga ay mayroon pa rin siyang matatanggap na counterpart mula sa Pandayan. Mula sa maximum na halaga ng benepisyo na ibibigay ni SSS, ay pupunuan ni Pandayan ang magiging kulang sa dapat na magiging daily rate ng Kapwa sa loob ng 105 na araw. Napakalaking tulong ito para sa mga Kapwa na kababalik lang sa trabaho para magamit sa kanilang pangangailangang pinansyal. Isa itong napakagandang handog na benepisyo mula sa ating mga boss.
Sa totoo lang ay wala pa ako narinig na ibang kompanya na gumagawa nito at kung meron man siguro ay madalang lang ang mga ito. Tunay na napakapalad ng mga Kapwa Panday na mapabilang sa pamilya ng Pandayan. Labis ang aking pasasalamat sa napakagandang benepisyo na ito. Patunay na ang Pandayan ay may pagpapahalaga sa pamilya ng mga Kapwa Panday. Maraming salamat sa ating mabuting kompanya.