Pagtulong sa Kapwa
Nagtungo ako sa may check out counter para mag print ng mga barcode. Pagdating ko doon ay narinig ko ang aming CSS na humihingi ng paumanhin sa aming Panauhin dahil sa wala raw siyang maisusukli pa sa perang ibinabayad nito. Nagpa-laminate ng ID ang panauhin at P20.00 ang halaga nito ngunit ang ibinabayad niya sa aming CSS ay buong P1,000.00. Sa katunayan ay wala pa talagang panukli ang aming CSS at sinisikap niya na pagkasyahin ang natitira niyang small bills at coins hanggang sa may makuha na ang aming ASE na papalit sa bangko. Kinausap naman kami nang maayos ng bank manager na hirap sila ngayon sa papalit dahil halos lahat ng kanilang client ay palabas ang mga pera dahil sa season kaya naman, may schedule at limitado lang ang kaya nilang ibigay sa lahat, lalo na at lahat din ng mga tenant sa mall ay sa kanila nagpapapalit.
Kinausap ko ang Panauhin at naintindihan naman agad niya ang aming sitwasyon. Sinabi niya na kailangan niya kasi ipasa ang kaniyang ID sa bangko dahil ayaw tanggapin ito kung hindi laminated. Humingi ako ng pasensya sa kaniya at nagpresinta na rin ako na ako na lang ang magbabayad ng P20.00 niya. Lubos na natuwa ang Panauhin at nagpasalamat sa akin bago lumabas ng tindahan. Makalipas ang ilang oras ay bumalik siya at ibinalik sa akin ang P20.00. Nagulat ako dahil niyakap pa niya ako at sinabing “Sobrang salamat Maam ha? Bibihira po ang gumagawa ng ganiyan.” Nagpasalamat din ako sa kaniya at muling humingi ng paumanhin sa abala. Natutuwa ako dahil unang beses na may yumakap sa aking Panauhin dahil sa pagtulong ko sa kaniya.