Pagtulong Dahil sa Pandayan
Isang nakakaantig ng puso ang makapagbigay at makapaghatid ng magandang serbisyo sa mga Panauhin lalong-lalo na kung galing mismo sa puso mo. Gaya na lamang ng aking ibabahaging kuwento. Bilihan ngayon ng illustration board dahil isa ito sa mga proyekto ng mga estudyante sa paaralan. Noong mga oras na ito ay may nakita akong isang estudyante na mukhang malungkot. Ramdam ko ito dahil naging estudyante rin ako na nakaranas ng iba at ibang kahirapan bago nakapagtapos. Lumapit siya sa akin at tinanong ako "Kuya, saan po ba nakalagay ang 1/4 illustration board?" Agad ko naman itong itinuro at nagpasalamat naman ang estudyante. Nang humaba ang pila ay binuksan ko na ang aking lane para mag back up sa aking kasama at sa mga sandaling iyon ay sa akin nakapila ang estudyante na may dalang 1/4 illustration.
Noong i-punch ko na sa kaha ang kaniyang dala ay tila nahihiyang iniabot sa akin ang kaniyang bayad na P26.00. Sabi ko naman sa kaniya na "Maam, P36.00 po ito.” Malungkot namang sumagot ang estudyante at sinabing "Iyan lang po pera ko, kuya. Project lang po kasi sa school.” Naawa ako sa estudyante. Alam ko ang pakiramdam ng kaniyang kalagayan kaya naman sinabi ko sa kaniya na “Sige, ako na lang magdadagdag ng kulang.” Agad na nagpasalamat ang estudyante at makikita mo talaga ang saya sa mukha niya habang papaalis. Sa ganitong paraan sobrang nakakaantig at nakakataba ng puso dahil sa konting bagay nakakatulong tayo sa mga kapwa natin lalong lalo na sa mga estudyante.
Ramdam ko rin noon ang hirap ng buhay. Kung saan lahat ng pagsasakripisyo ay iyong gagawin para lang makapagtapos ng pag-aaral. Isa sa mga bagay na pinanghahawakan ko ang makatulong din sa iba dahil hindi lahat ng estudyante ay pare-parehas na may kaya at mayroong nagpapaaral. Minsan yung iba kahit walang-wala talaga ay nagagawang magpanggap na meron para hindi mapahiya sa mga kaklase. Iba at ibang emosyon ang naramdaman ko dito. Hindi dahil sa naawa lang ako kung hindi dahil sa ako mismo nakaranas ng kahirapan habang ako ay nag-aaral. Dito sa Pandayan Bookshop lamang ako nagkaroon ng oportunidad na mapalapit sa mga gaya ng estudyante na Panauhin na iyon. Dahil sa Pandayan nagkakaroon ako ng pagkakataon na mapanindigan ang pinanghahawakan ko na makatulong din sa mga mga kapos sa abot ng aking makakaya.