PGH Share a Coin Tarpaulin

PGH Share a Coin Tarpaulin

Noong una naming matanggap ang PGH Share a Coin Tarpaulin mula sa Marketing ay hindi namin mawari ang gagawin rito ngunit, nang mabasa namin ang nakapaloob sa tarpaulin ay namangha kaming mga Kapwa dahil sa laki pala ng halaga ng naitutulong ng ating PGH Can. Umabot na ng Php 2.3M!
 
Sa katunayan, kahit wala pang abiso sa amin kung ano ang gagawin rito ay nasabik kaming ipaskil ang tarpaulin sa aming pintuan. Bakit naman hindi? Sobrang nakaka-proud na ganito kalaki ang naitutulong ng ating mga PGH Can. Mayroong isang panauhin nga ang napagilalas nang basahin niya ang tarpaulin. “Ha? Ang laking pera pala ng naitutulong ng Pandayan. PGH Can lang yan?!” sambit ng panauhin sa akin. Nakapuwesto ako noon sa may pintuan dahil nakabreak ang aming door guard.
 
Narinig naman ni nanay na nagbabantay ng tindahan ng laruan sa tapat namin ang sinambit ng aming panauhin at lumapit rin siya at binasa ang nakapaloob sa tarpaulin. Gulat na gulat rin siya sabay sabi na “Napakahusay talaga ng Pandayan, ang daming paraan para makatulong ah.” Napangiti naman ako sa dalawa sa kanilang naging magandang komento.
 
Nakakatuwa rin ang isang pagkakataong nabasa ng panauhin namin na kasalukuyang nagbabayad ng kaniyang pinamili sa counter 3 ang poster na nasa ibabaw ng estante. Pagkatapos kasi niyang mabasa ang poster ng PGH ay ihinulog niya ang sukli niyang mga barya diretso sa PGH Can.
 
Nakakatuwa na malaki ang tiwala sa atin ng mga panauhin. Maganda rin ang ganitong pagpapaskil natin ng halaga ng naitutulong ng ating mga PGH Can dahil nagliliwanag ang kabutihan at pagiging tapat ng ating kompanya. May transparency, kumbaga sa mga mamimili ay mayroon silang resibo at alam nila ang kinahihinatnan at magagawa ng kanilang mga donasyon kapag sama-sama na ito.