Natutuhan sa Pandayan
Nakaugalian ko ng sumaglit sa supermarket para bumili ng snacks at inumin kapag break time ko. Mabilis lamang ito dahil may pila naman para sa mga 1-10 items. Isang araw habang ako ay nakapila ay may nakasabay akong dalawang bata na bumili ng isang pirasong tinapay na nakalagay sa tray. Nasa likuran ko sila habang pabulong na nag-uusap at nagkasundo. Hati na lamang daw sila dahil kulang ang pera para makabili sila ng tig-isa. Nang ako na ang magbabayad ay pinadagdagan ko ng isa pang tinapay ang dala ng mga bata at binayaran na ito. Natuwa ang cashier at pabirong sinabi sa mga bata: "Ayan ha! Nilibre na kayo ni Ateng taga-Pandayan."
Kitang-kita sa mukha ng dalawang bata ang tuwa at pasasalamat. Pareho rin nilang sinabi ang “Salamat tabe” salitang Bikol na ibig sabihin ay "Salamat po." Bago ako umalis ay nakangiting sinabi sa akin ng cashier na: "Iba talaga ang mga taga-Pandayan, mababait." Ngumiti na lang din ako bago umalis. Nakakatuwa lang dahil kahit sa ganoong paraan ay nakakatulong tayo sa iba, lalong lalo na sa mga bata. Maliit man iyon sa atin ay malaking tulong at pasasalamat naman iyon sa mga bata. Isa iyon sa natutunan ko sa Pandayan Bookshop, ang tumulong at maging mabuti sa lahat ng pagkakataon sa loob at labas man ng tindahan.