Motorista

Motorista

Habang patawid ako upang sumakay ng jeep at pumasok na ay may biglang tumigil sa akin na isang motorista, pawis at tila pagod na pagod. "Maam baka pwede akong lumapit sa iyo. Nasiraan kasi ako at nagpaayos pa ng motor. Nawalan na po ako ng extrang pera para sa gasolina. Halos lahat ay nahintuan ko na may nagbigay ngunit ang iba ay umiiwas.
Nagbabakasakali ako sa iyo maam na mabigyan mo po ako kahit kaunting halaga lamang. Pauwi po kasi akong Batangas at maiuwi sa aking mag-ina ang bigas. Kanina pa rin po kasi akong madaling araw at inabot na po ng umaga," hiling sa akin ng motorista. Halata kay kuya ang pagod at gutom pero naisip ko noon ay wala pang sahod at tanging 290 pesos na lang ang natitira para sa aking budget ngunit naisip kong paano si kuya kung di makarating sa kanila bitbit ang bigas para sa kanyang anak at asawa.
Kinuha ko ang aking coinpurse at pinakita kay kuya ang natitira kong pera. "Kuya, mabibigyan lamang po kita ng 40 pesos dahil budget ko pa po itong matitira. Pasensya na po kayo ha. Kung ako po ay may sobra-sobra pa, nabigyan ko pa po ng aabot sa iyong pupuntahan," tugon ko kay kuya motorista.
"Naku, maam, maraming salamat po! Malaking bagay na po ito at makakatulong upang makauwi. Pasensya na po talaga maam sa abala sa inyo. Ang inyo pong uniporme ay aking tatandaan upang makabawi pagdating ng panahon maam," sagot ni kuya motorista.
"Wala po iyon. Sige na po at yumaon na po kayo. Hinihintay po kayo ng inyong mag-anak." Ngumiti ang labi at mata ni kuya. Naisip ko na lang ang mga blessing na binibigay ni Lord at ng Pandayan sa akin. Makatulong man lang sa maliit na halaga ay isang malaking bagay na sa iyong natulungan.