May Handang Tumulong
Noong December 21 ay na stroke ang aking ina at ilang araw din siyang na-confine. Ngayon ay nakakarecover na siya sa pagkakastroke. Nagpapasalamat kami na hindi ganoon kalala ang kanyang naging sakit. Nitong nakaraang linggo naman, January 16 ay nag-text sa akin ang aking kapatid na nanghihiram ng pera sapagkat kailangang kailangan daw niya. Agad ko siyang tinawagan upang alamin kung ano ang nangyari. Nahimatay daw siya sa trabaho at nagsusuka raw siya ng dugo. Agad akong tumawag sa mga tao sa bahay upang pasunurin sila sa ospital sapagkat hindi ako makauwi sapagkat kulang kami sa tindahan.
Nag-suggest ang unang ospital na ilipat ang ate ko sa ibang ospital sapagkat kulang sila sa gamit kaya naman naghanap sila ng iba na pwedeng paglipatan. Ngunit sa kasamaang-palad ay walang tumanggap sa kanya dahil wala silang pang-downpayment. At noong nakahanap sila ng mapapagdalahan sa aking kapatid ay ang naging problema naman namin ay ang dugong kailangang isalin sa kanya. Nanghingi kami ng tulong sa aming mga kamag-anak na ka-blood type ng aking kapatid at 2 araw bago pa siya nasalinan ng 3 bags na kailangan ng kanyang katawan para tumaas ang kanyang hemoglobin. At dahil patagal nang patagal siyang naka-admit sa Bauan Doctors ay ang iniisip namin ang pambayad dito.
Dito na nga ako nagsabi sa aking SE na baka pwede akong manghingi ng tulong sa aming kapangkat at sunod kong sinabihan ay ang aming GE at walang anu-ano ay agad namang tumugon sa akin. Wika ng aming GE, "Huwag kang mag-alala at gagawan natin ng paraan." Isa ito sa nagpagaan sa aking isipan. Hindi ako nagkamali sa mga taong aking nilapitan sapagkat isang sabi lang ay hindi nila ako pinahindian. Lubos kong ipinagpapasalamat sapagkat napaligiran ako ng mabubuting tao na handang tumulong sa oras ng pangangailangan.