Magigiting na mga Guro
Nitong nakaraan ay nagpunta kami sa isang paaralan na malayo sa kabihasnan. Sila ay sa isang liblib na sobrang tahimik sapagkat naka gitna sila sa bundok. Ang mga mamamayan doon ay mga katutubo at mga Dumagat.
Kasama namin ang dalawang guro sa pagpunta doon. Ang oras ng biyahe papunta sa eskwelahan ay kulang-kulang na 2 oras. Kami ay nakasakay sa isang malaking truck na ang tawag nila doon ay hubad. Nakakapagod ang paglalakbay namin papunta sa eskwelahan sapagkat ang daan ay may malalaking bato at lubak at maputik. Madaming ilog ang kailangan tawirin para makapunta doon. Habang kami ay nasa biyahe, nag-uusap kami ng isang guro. Tinanong ko siya kung siya ba ay nagsasawa o napapagal din sa araw-araw. Sabi niya ay kahit na mahirap at malayo ay kailangan sapagkat yun ang kanyang sinumpaan na trabaho. Mahal niya ang kanyang trabaho, ganoon din ang mga katutubo na kanyang tinuturuan. Nakita ko sa kanya kung gaano niya pinahahalagahan ang kanyang hanapbuhay at ang kanyang mga tinuturuan kaya kahit mahirap ay hindi niya alintana ang lahat ng iyon.
Pauwi na kami ng aking SE noong sinubukan namin maglakad mula sa bundok hanggang sa kapatagan para maranasan namin ang hirap ng mga guro na nagpupunta doon. Sa paglalakad namin ay inabot kami ng kulang 3 oras. Sa gitna ng bundok tumawid kami ng ilog ng madaming beses, lumusong kami sa mga putikan, sa mga mababatong daan. At sa gitna ng tirik na araw ay patuloy kaming naglalakad sapagkat hindi kami pwedeng abutin ng 3-4 PM dahil tataas na ang tubig sa ilog. Ganoon pala ang lahat ng hirap ng mga guro kaya naman lubos ang paghanga namin sa kanila. Sila ay walang sawa na nagtuturo sa mga bata kahit sa gitna ng hirap na kanilang dinaranas sa araw-araw.