Mag-Isang Bata sa Tindahan
May isang batang nasa 4 years old ang nagpunta sa counter para iabot ang kanyang napiling Animal Toys pero wala siyang pambayad. Hinanap ko ang kanyang kasama at tinanong ang bata pero hindi daw niya alam. Tinanong ko rin kung meron siyang dalang pera pero wala raw. Kaya nilapitan ko ang guard namin kung may napansin na kasama ang bata nang pumasok. Ang bata lang daw ang pumasok at akala ay kasama niya yung kasunod na pumasok din. Nakapasok ang bata na walang kasama kaya hindi ko muna siya iniwan at sinabihan ang guard na huwag palalabasin dahil baka kung saan pa magpunta. Maya-maya lang ay gusto na nitong lumabas at hawak-hawak niya ang animal toy na hindi pa nababayaran. Sabi siya ng sabi sa aming guard na, "Told you! told you!" Hinaharang ni Guard upang hindi makalabas dahil kada magbubukas ang pinto ay sinasabayan niyang subukang makalabas.
Umiiyak na ito pero nilibang ko na lang. Pupunta na sana ako sa Admin upang maipa-paging ang bata pero dumating na rin ang kanyang Mommy. Binayaran na muna ang hawak ng bata na animal toy at nagpasalamat sa amin. Ang aura ng mommy pagpasok ng tindahan ay parang chill lang na para bang hindi siya natakot o kinabahan na nawala ang kanyang anak. Alam daw niyang dito lang daw talaga pupunta ang bata. Kaya kampante raw siya na hindi mawawala ang kanyang anak.
Ang sarap lang sa pakiramdam na makadinig ng ganitong kwento na kampante sila sa Pandayan. Samantalang ako noong sandaling iyon ay kabado na dahil umiiyak na ang bata at ka-edad lang siya ng anak ko. Pero dahil sa nalaman kong ganoon nila tayo pagkatiwalaan ay naginhawahan ang aking pakiramdam. Ilang beses ko nang nadinig na sa Pandayan kampante ka at panatag ang loob mo dahil sa mabubuting Kapwa kaya talaga namang nakakaproud maging Panday.