Mabuhay!
Oras ng lunchbreak kung saan madalas ang pagdaan ko sa palengke upang makabili ng uulamin o kakainin namin para sa pananghalian at hapunan. Bago pa man ako umuwi ay may mga bitbit na akong pinamili na isasalubong sa aking pamilya na siya rin namang lulutuin ng aking asawa. Sa aking pamamalengke ay madalas akong binabati ng mga nagtitinda ng “Mabuhay!” at bigla akong napapatingin sa kanila. Kaya naman binabati ko rin sila ng “Mabuhay po!” May pagkakataon din na binabanggit ang pangalan ng kumpanyang aking pinapasukan ang Pandayan Bookshop. May ilan pa nga na kinakanta ang “Pandayan Bookshop, kabalikat sa pag-aaral” Kahit bata ay alam na alam din ito.
Nakakatuwa lang at napapangiti na lang din ako sa mga nangyayari sa aking paligid dahil kahit hindi nila ako lubos na kilala ay nagagawa pa rin nila akong pansinin at batiin. Marahil ay suot-suot ko ang aking uniporme na siyang aking pagkakakilanlan na kahit saan ako magpunta. Malayo ka pa lang ay kilalang-kilala ka na talaga nila. Naisip ko rin na talaga namang maasikaso ang mga Kapwa Panday kaya ganito na lamang ako kung itrato ng mga tao rito. Kaya naman sa bawat pagtungo ko sa palengke ay lagi kong dala-dala ang magaan na pakiramdam, na parang ang pakiramdam ko ay may mga bago akong kaibigan na muli kong makikita.