
Limang Taon
Sa ginanap na GPP 2024 ay isa ako sa nagawaran ng Lakbay Panday dahil sa aking ika-limang taon sa Pandayan. Nakakatuwa lang at nakaka-proud dahil noong una ay nangangarap lang ako ng magkaroon na regular na trabaho dahil ang aming pamilya ay walang regular na mapagkukunan na pinansyal dahil ang aming trabaho ay walang kasiguraduhan kung kikita ba o hindi.
Danas ko ang trabahong ito dahil simula nang ako ay makatapos ng elementarya ay nasubukan ko na ito. Naglako ng towel sa Tandang Sora Quezon City kasama ang aking mga magulang. Naging gawain ko na ito tuwing bakasyon at torotot naman maka-Pasko at bago sumapit ang Bagong Taon. Kaya ramdam ko ang sakripisyo ng aking mga magulang para makapagtapos ako ng pag-aaral. Isa ito sa naging motibasyon ko para mas magsumikap sa buhay.
Ngayong limang taon na ako sa Pandayan ay mas nakakatulong na ako sa aking mga magulang at mga kapatid lalo na sa pinansyal. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa mga tagapagpatupad at Kapwa na aking nakasama na siyang tumulong sa akin upang mas mahubog ko ang aking kakayahan. Lubos din ako nagpapasalamat sa ating mga Boss, sa walang humpay na paggabay.