Laging Magpasalamat
Habang nasa biyahe ako pauwi ay tumigil muna ako saglit sa Masinag para kumain ng pares. Pagbaba ko sa motor ay napansin ko yung batang nakaupo sa gilid. Lumapit ito sa akin at nanghihingi ng barya. Inabutan ko lang ito ng 10.00 dahil sakto lang ang dala kong pera.
Habang kumakain ako ng pares ay biglang lumapit ang bata sa nagtitinda at bumibili ng kalahating kanin at nanghihingi ito ng sabaw ng pares. Nakonsensya ako dahil 10.00 lang ang ibinigay ko sa bata. Kaya naman nagpaalam muna ako sa nagtitinda na magwiwithdraw lang muna ako saglit at bigyan na ang bata ng pares at kanin.
Pagbalik ko ay hindi pa kumakain ang bata at hinihintay ako. Habang kumakain ang bata ay bakas sa mukha niya ang gutom kaya naman nag-order pa ako ng extra rice at isang nilagang itlog para sa kanya.
Pagkatapos ko kumain ay nagbayad na ako at ang sukli na 50.00 ay ibinigay ko na lang sa bata. Ayaw pa itong tanggapin ng bata dahil nilibre ko na raw siya. Sinabi ko na lang na pang-almusal niya na bukas kaya naman tinanggap na niya ang pera.
Habang nasa biyahe ako naalala ko na lang noong bata pa ako. Dahil sa hirap ng buhay ay natuto ako mangalakal, makiinom at makikain sa bahay ng hindi ko kakilala at pumasok ng gutom sa school.
Naisip ko na lang na maswerte pa rin ako dahil ngayon ay may trabaho ako at nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Kaya kahit may mga problema pa ako o pagsubok na dinaranas sa buhay ay palagi pa rin akong nagpapasalamat dahil alam ko na mayroong mas higit na hindi maganda ang sitwasyon sa buhay.
Naniniwala ako na ang pagtulong sa kapwa ay hindi na dapat sinasabi pa sa iba. Nais ko lang ibahagi ang kwentong ito at magsilbing halimbawa na palagi pa rin tayong magpasalamat kahit ano pa ang dinaranas natin na pagsubok sa buhay.