Kuwento ng Panauhin
Likas sa tao ang pagiging mabuti. May mga pagkakataong nakikita natin sa isang bagay o tao ang pagiging instrumento ng Panginoon upang tayo ay matulungan ngunit sa yugto ng kwentong ito paano kung ikaw na mismo ang instrumento ng Panginoon para makatulong sa tao?
Ika-17 ng Disyembre, abala ako sa pagkakaha nang mapansin ko ang isang regular na Panauhin na naghahanap ng isang mamahaling tsokolate. Madalas itong bumili ng tsokolate sa tindahan. At hindi isang tipikal na tsokolate lamang bagkus iyong may kamahalan para sa isang ordinaryong tao. Habang inaayos ko ang kanyang pinamili, tinanong ko siya, "Maam napakarami niyo pong biniling mga tsokolate para saan po ba ito?" Masayang tumugon ito, "Alam mo Nak, malaki na ang nagastos ko sa mga tsokolateng ito ngunit gusto at kailangan kong makita ang mga ngiti ng mga batang nabibigyan ko. Sila ang mga anak ng aking mga kapwa guro. Hindi na kaso ang halaga ng mga tsokolate basta mapasaya ko sila. Nak, matanda na ako hindi ko na kailangan ng maraming pera ang kailangan ko ay maging masaya at magpasaya. Dahil hindi natin alam baka sa isang taong bigla na lang akong mawala."
Natahimik ako sa winika ni Maam. Gayon na lamang ang pagpatak ng aking mga luha habang tinatahak nito ang pinto palabas. Ang mga katagang iyon ang pumukaw sa aking pagkatao. Mula sa mga katagang iyong humugot ako ng pag-asa. Maraming aral akong napulot mula roon. Una, ang salapi ay mananatiling salapi, ngunit ang ngiti sa mga labi ay tatagal hanggang sa mga alaala at legasiyang maiiwan mo sa kanila. Pangalawa, mahalagang mabatid na ang buhay ay may kaakibat na rason. Rason kung bakit ipinanganak tayong meron, at rason kung bakit tayo may kakayahang tumulong sa kapwa. Pangatlo, maging maingat sa pakikitungo sa mga kapwa dahil lahat sila maging tayo ay may mga kwentong naililihim, magaan man o mabigat. Huling hiling niya na sana mapasaya niya ang mga batang itinuring niya ng mga anak at apo.
Ang kuwentong ito ang unang beses na nagpaiyak sa akin sa Pandayan. Magpahanggang ngayon bumabalik pa rin ang mga katagang iyon sa aking isipan. Tunay na wala sa edad ang pagtulong at pagpapasaya bagkus likas ito sa taong batid ang dahilan ng kanyang buhay. Munti man o hindi, ang regalo ay mananatiling regalo sa alaala ng mga batang ito. Bilang isang Kapwa, mahalagang maisabuhay ko ang aral na ito dahil mahalagang mabatid na ang sinumang kapwa na dumadalaw sa tindahan ay may kwentong kapupulutan ko ng aral.