
Kultura ng Tagumpay
May isang regular panauhin na palaging bumabalik sa atin upang magpa print ng kanyang mga dokumento. Nasa CND120 pa lang ako ay panauhin na namin ito at hanggang sa malipat ako ng WMC166 ay sa akin pa rin siya nagpapa-print kahit mga pribading dokumento gaya ng ITR niya ay sa akin siya nagpapa-print. Nito lamang nakaraan ay nagpunta ito sa tindahan upang magpa-print. Kaya naman inasikaso ko ito.
Nang matapos siyang magbayad, naalala niya na kailangan niyang magpa-scan ng dokumento. Akala ko naman ay ipa-photocopy ito ngunit hindi pala. Kailangan lang pala niya ng malinaw na soft copy ng kanyang dokumento. Kaya naman ibinahagi ko sa kanya ang gamit nating CamScanner na application. Mas malinaw kasi ito at upang hindi na rin niya kailangan pang pumunta sa mga shop para lamang magpa-scan. Tinuro ko sa kanya kung paano ito gamitin.
Sa huli, malaking pasasalamat ang aking natanggap. Inaabutan pa niya ako ng tip ngunit hindi ko ito tinanggap. Sinabi ko na lang na “Balik na lang po kayo dito para magpa-print ay okey na iyon.” Sagot naman niya na “Makakabawi rin ako sa’yo!” Masarap talaga sa pakiramdam na mapasalamatan kahit sa maliit na bagay. Sa tulong ng ating Kultura ng Tagumpay, nahuhubog ang Kapwa upang maging mabuting tao at tumutulong ng walang hinihinging kapalit.