Karanasan sa Komunidad

Karanasan sa Komunidad

Nitong mga nakalipas na linggo, bago magsimula ang pagdagsa ng mga panauhin sa aming tindahan para mamili ng gamit ng mga estudyante, ay ilang beses ko naman naranasan ang magandang bagay o pagtrato mula sa ibang mga tao sa labas ng tindahan. Halimbawa na lamang nito ay noong habang ako ay nakasakay sa isang tricycle papasok ng trabaho. Noong malapit na sa bayan ng Antipolo ay bigla na lamang ako kinausap ng driver nito at tinanong kung sa Pandayan Bookshop ako nagtatrabaho at kung doon ba ang punta ko. Nang sumagot ako ng "oo" ay agad naman tumugon ang driver at nagpresenta na ihahatid o ibababa na lamang daw niya ako sa mismong tapat ng Pandayan Bookshop na ilang hakbang pa ang layo mula sa terminal ng mga tricycle.
Nakakatuwa lamang isipin na ganito na lamang kaganda ang nagiging pagtrato at pakikisalamuha ng ibang tao sa mga taga Pandayan. Dahil nga sa pangyayari at karanasan kong iyon ay naalala ko bigla ang sinabi ni Boss JVC noon sa napanood ko sa isang video clip tungkol sa Kultura ng Tagumpay na kung saan ay ikinuwento ni Boss ang mga karanasan ng ilan sa mga Kapwa Regular na nakaranas ng magagandang pagtrato mula sa ibang tao kahit na nasa labas na ng tindahan. Halimbawa nito ay ang mga kapwa na hindi na pinagbabayad ng mga jeepney driver kapag sila ay nakilala o nalaman na nagtatrabaho sa Pandayan Bookshop.
Totoo ngang kahit sa simpleng paraan mo lamang maipakita ang iyong kabutihan sa pamamagitan ng pakikipagkapwa-tao, pagkamakatao at pagpapakatao sa ating kapwa o panauhin ay babalik ito sa atin. Hindi man sila ang magbalik nito sa atin ay gagawa ang Diyos ng paraan para maibalik ito sa atin sa pamamagitan ng ibang bagay o sitwasiyon.