Kakaibang Paglilingkod at Kasiyahan
Sabado ng umaga ay maaga akong gumising upang magtungo sa palengke para mamili ng mga gulay at karne para sa isang linggong pagkain ng aking anak. Nang nasa palengke na ako, habang tumitingin ako ng mga gulay na aking bibilhin, may batang lalaki na lumapit sa akin kasama ang kanyang ina. Marahil ay namimili rin sila. Sinabi niya sa akin, “Hello po, Pandayan!” Ngumiti siya. Maging ang kanyang ina. Agad naman akong tumugon sa kanya ng hello rin at sabay ngiti. Agad rin silang nagpaalam. Kitang-kita sa bata ang kasiyahan noong tinawag niya ako. Marahil ay estudyante ito sa Gumaca West Central School na pinagsagawaan namin ng Sining Pandayan.
Nang sumakay naman ako pauwi ay saktong si Kuya Joker ang aking nasakyan. Banggit niya habang nakangiti, “Good morning po, Maam Pandayan!” Ako naman ay agad rin bumati na may kasamang ngiti. Si Kuya Joker ang minsang inaarkila ng tindahan tuwing magkakaroon ng delivery service. Marami pa akong naranasan na tawagin akong Pandayan, mga guro, mga barangay officials, at maging mga taga munisipyo. Hindi man ako tawagin sa aking pangalan, malaking pribelehiyo ito sa akin sapagkat alam kong nag-iwan ng kakaibang paglilingkod at kasiyahan ang Pandayan sa aming pamayanan.