Kababaang Loob
Isang araw habang ako ang nasa counter para magkaha, biglang dumami ang mga Panauhin at humaba ang pila ng bawat lane. Habang nakatutok ako sa pagkakaha upang maiwasang magkamali ay may isang Panauhin na babae at lalaki ang nagtanong sa akin ng scientific calculator at Epson ink. Anila ay bibilhin raw nila ito kaya agad kong sinabi sa kanila na ihahanda ko na ang mga ito at pinakisuyuan ko sila na pumila na muna. Hindi ko inaasahan na magagalit sila sa akin dahil ang nais pala nila ay unahin ko sila at hindi na pumila pa. Humingi ako ng pasensya sa kanila at ibinalik ang aking pokus sa mga naghihintay na Panauhin sa aking pila pero hinintay ko ang pagkakataon na sila na ang ka-transaksyon ko upang ipadama sa kanila ang aking pagsisikap at kagustuhang maasikaso sila. Nang dumating na ang pagkakataong sila na ang kaharap ko ay humingi ako ng paumanhin kung hindi ko sila napagbigyan sa kanilang nais na hindi na pumila. “Maam at Sir, pasensya na po. Bukod po sa hindi po namin maaaring ilabas dito sa counter ang kailangan ninyo po na items ay priority ko rin po yung mga nauna pong pumila. Okay lang po na magalit kayo sa akin pero huwag lang po doon sa mga naunang pumila po,” sambit ko sa kanila. Tila nagbago naman ang mood ng lalaki at ngumit siya sa akin, “Okay lang Sir, naintindihan namin at may mali rin kami. Pasensya na po.” Napangiti naman ako at nagpasalamat sa kanila “Thank you po maam at sir. Balik po kayo.” Nakakatuwa na nakangiti na sila bago lumabas ng tindahan.
Noong araw na iyon ay aking napagtanto na ayos lang na maunang magpakumbaba. Kahit na hindi ka maunawaan ng ibang tao ang mahalaga nasabi mo sa kanila ang nais mong iparating at sa huli ay naging maayos at malinaw ang lahat. Hindi rin kailanman solusyon ang pagiging mainitin ang ulo para makamit agad ang mga gusto dahil minsan nakakasakit lang tayo ng ibang tao at ito pa minsan ang magdadala sa atin sa kapahamakan.