Kaalaman, Saya, at Inspirasyon
Isang malaking pasasalamat po sa Pandayan ang mapasama sa ASE Forum na ginanap nitong Oct.16-21, 2023. Nagulat po ako nang nalaman ko na isa po ako sa napili na mapasama sa aktibidad na ito. Dahil ang alam ko po na ito ay para lamang sa mga ASE at ako naman po ay sa DK. Noong unang araw ay medyo naiilang po ako dahil mga taga-tindahan ang aking mga kasama. Pero ilang oras lamang ang lumipas ay napanatag na rin ang aking loob sa kanila. Ganoon siguro talaga kapag Kapwa Panday ang kasama kahit pa hindi kayo magkakilala, parang may kakaibang koneksyon na nagdugtong sa amin lahat para maging komportable sa isa’t isa.
Sa mga sumunod na araw sa Arete ay busog, hindi lang ang tiyan, maging ang aming kaisipan sa mga tinalakay ng mga mahuhusay na speakers sa Central. May mga topic lang ako na nahihirapan maka-relate dahil gawain sa tindahan ang usapan. Kaya ang ginagawa ko na lang ay nagtatanong sa aking katabi upang mas maunawaan ang usapan. Sa pagtatanong ko ay mas lumalawak at napagdudugtong ko po sa Central ang gawain sa tindahan. Ganoon din naman sila sa akin. Kapag may hindi sila nauunawaan ay tinatanong din nila ako at naipapaliwanag ko sa kanila ang gawain at ilang mga concern nila sa Central, lalo sa aming Kawan.
Nasagot din dito ang mga concern ng tindahan sa iba’t ibang kawan at tanggapan dahil madaming napagkasunduan na for improvement ng bawat Kawan. Kaya sobrang satisfied din po ang mga Kapwa ASE dahil nagkaroon ng kalinawan ang bawat isa at magiging mas malinaw na rin sa kanila ang mga proseso. Nakakatuwa dahil hindi lang sa gawain kami natuto, maging ang mga inspirational message ng mga speaker ay tumatak din sa akin at tiyak sa aking mga kasama. Halimbaw dito ay galing kay FE Merrell ng Pantrade “Bangko ang ating sarili, kailangan ay mag-impok ng kaalaman.” Mula naman kay Sir Denver, “Wala sa haba ng panahon sa serbisyo, kundi sa kalidad ng pagtulong natin sa Panauhin.”
Ang isang linggo na ito ay punong-puno ng kaalaman, kasiyahan at inspiration. Kaalaman – Sa mga gawaing teknikal na may kinalaman sa araw-araw na gawain na may koneksyon sa Central at tindahan upang mas maging pulido at mas naging malinaw sa tindahan ang proseso sa Central.
Kasiyahan – Sobrang giliw po ng bawat isa. Tila ba matagal ng magkakasama kahit unang pagkakataon lang namin magkita-kita at mag-usap sa personal. After ng forum ay nagkakaroon kami ng oras para magkuwentuhan, magbiruan, at ang iba naman ay namasyal sa cloud 9 na malapit lang sa lugar. Nagiging matatag ang samahan sa tulong ng ganitong aktibidad kaya sana po ay maranasan din ito ng iba pang ASE/ACE.
Inpirasyon – Kasabay ng payapang lugar sa Arete, ay nagbahagi rin ang mga speakers ng kanilang mga karanasan sa Pandayan. Hindi lahat ay naging patag ang daan sa paglalakbay sa Pandayan. Maraming pagsubok at hirap ang kanilang naibahagi. Ngunit ganoon pa man ay nanatili silang nakatayo at ginamit ang mga pagkakamali upang mas maging matayog ang pangarap. Sa mga inspiration na binahagi ni Sir Elmer, Ma’am Merrel, Sir Denver atbp. ay magiging baon namin ito sa aming mga baguhan sa paglalakbay sa Pandayan.