Interview ng mga Estudyante
Tatlong estudyante ang lumapit sa akin upang humingi ng tulong para sa kanilang proyekto. Nais daw nilang mag-interview ng isang kapwa patungkol sa aming trabaho. Hindi agad ako nagpakilala na ako ang SE ng tindahan bagkus hinarap ko lamang at sinagot ang ilan nilang katanungan. Umikot ang mga tanong para sa aking paglalakbay patungo kay Pandayan. Dahil paborito ko na ikwento ang aking buhay Panday ay tila namangha sila na mula ako sa warehouse at isang bodegero nagbubuhat at nagkakamada ng mga paninda, hanggang sa nasubukan sa tindahan, napagkatiwalaan maging pinuno at ngayon ay isang ganap na tagapagpatupad.
Tila natuwa sila sa kanilang narinig dahil hindi nila alam na ako ang SE ng tindahan. Sa huli ko na kasi ito binanggit sa kanila dahil nga hindi naman ako sanay na magpakilala agad na ako ang SE ng aming Kopon. Nang matapos ang interview ay lubos ang kanilang pasasalamat. Gagawin pala nila itong play na kung saan ang kasama niyang lalaki ang gaganap sa aking katayuan at ang isang kasamang babae ang nag-i-interview.
Naitanong niya rin sa akin na bilang isang manager, ano raw ang susi para tumagal sa ating larangan. Simple lang ang aking sagot. Ito ay sa pagsasapuso ng aming kultura at sa mga aral ng aming mahal na Boss. At higit sa lahat, ang pagsunod sa ating pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao at pagkamakatao.
Nag-aabot ng pa-meryenda ang mga estudyante ngunit tinanggihan ko ito at sinabing, “Maraming salamat din sa inyong pagpunta. Nawa ay naintindihan ninyo ang nais at misyon at bisyon ng Pandayan. Sana ay maipamalita ninyo ito na hindi pa huli ang lahat. Isapuso ninyo rin ang pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao at pagkamakatao. At mahalin ang bansang Pilipinas dahil ito ang hangad ng Pandayan para sa inyong kinabukasan.”