Insidente sa Workshop
Noong pinapababa ko na ang mga Grade 4 na estudyante upang tawagin naman ang Grade 5 para kumuha ng retrato ay napansin ko ang isang lalaking nasa 40 pataas na ang edad na pilit tinatanggal ang ulo ng aming maskot, na sa kasalukuyang suot ng aming Probee na si Melvin. Tila lasing ito. Nilapitan ko siya at tinanong kung anong problema.
Nais niya lamang daw tingnan ang loob ng mascot. Paulit-ulit niya itong sinasambit. Sumagot ako na kasamahan ko ang nasa loob nito. Nagpupumilit pa rin siyang tanggalin ang ulo ng aming mascot. Maya-maya pa ay may mga guro na ring umakyat upang awatin at kausapin ang lalaki sa ginagawa nito dahil nauudlot na ang aming patapos na programa.
Aming napag-alaman na isa pala ito sa tatay ng kanilang estudyante. Ilang sandali pa ay kung ano-ano na lamang ang sinasabi ng lalaki at pinapatigil ang programa. Tila talagang wala ito sa wisyo. Mabuti na lamang din at kalaunan ay bumaba na rin siya ng stage at may isang tatay din na nagmagandang loob sa amin upang ihatid siya sa labas dahil natatakot na rin ang ibang mga bata, maging kami na baka mag-amok pa ito.
Walang guwardiya sa kanilang paaralan kaya malayang nakakapasok ang sinuman. Isa pa ay puro babae ang mga guro. Mabuti na lamang din ay naging kalmado kami sa sitwasyon. Talagang nilakasan na lamang namin ang aming loob para siya ay mahinahon na kausapin at pakinggan sa kanyang mga sinasabi.
Ang aming talagang inaalala ay ang mga batang naroon. Pagkaraan ng ilang sandali ay lumapit sa amin ang mga guro at humingi ng paumanhin sa nangyari. Inamin ko rin sa mga guro na ito ang unang beses na may ganoong pangyayari sa amin. Laking pasalamat na nga lang din namin na walang nangyaring masama o kung ano pa man.
Tunay na malaking tulong ang pagkakaroon ng kahinahunan sa ganitong pagkakataon. Nakapag-isip tayo ng mabuti at napapahupa ang sitwasyon. Inisip ko na lang din na parang kapag nakakatagpo tayo ng customer complaint sa tindahan na kalmado nating hinaharap at kinakausap.