Iba Diyan sa Pandayan!
Maraming tao ang tumitingala sa katapatan at serbisyong hatid ng Pandayan na walang hiniginging kapalit. Sobrang sarap sa pakiramdam na ako mismo ay naranasan ito. Noong araw na iyon ay may magkasamang Panauhin na bumili ng apat na kahon ng Pandayan bond paper at ilang mga gamit opisina. Parehas po na mga babae ang namiling Panauhin at hindi nila kayang bitbitin ang mga pinamili nila kaya agad na isinantabi ko muna ang aking ginagawa at kinuha ko ang aming push cart upang ihatid sila sa labas hanggang sa kanilang sasakyan.
Nang matapos ko na ikarga sa kanilang sasakyan ang kanilang mga pinamili ay iniabot nila sa akin ang 50 pesos para sa tip. Aking tinanggihan ito. "Huwag na po maam, nais po talaga namin na makapagbigay ng magandang serbisyo sa inyo na walang hinihinging kapalit,” paliwanag ko sa Panauhin. “Oo, alam ko iyon kuya,” tugon naman sa akin ng Panauhin sabay hila sa akin at isinuksok sa loob ng vest ko ang pera. Pinilit ko naman na ibalik itong muli. Maraming tao noon sa parking lot ng mall kaya naman ang ibang mga nakatambay lamang sa parking lot ay napatingin sa amin.
Narinig din nila ang aming naging usapan at sinabi ng isang nakatayo malapit sa amin na “Iba talaga mga tao diyan sa Pandayan! Hindi sila humihingi. Di gaya ng iba diyan na sila pa mismo ang hihingi sa iyo!” Itinuturo ang loob ng mall na tinutukoy ang ibang mga tindahan na naroon. Natuwa naman ako sa narinig kong komento na iyon tungkol sa atin. Isang karangalan na mapuri ang kompanya na nagtuturo sa akin at sa mga Kapwa ko ng magandang asal. Kaya lubos po akong nagpapasalamat sa magandang impluwensya na naidudulot sa amin ng kompanya. Masaya akong naging parte ako ng Pandayan Bookshop.