ISANG DEKADA

ISANG DEKADA

Sampung taon na ako sa Pandayan. Napakabilis ng panahon. Sa mga ganitong milestone, hindi mo maiiwasang balikan lahat ng magaganda, malulungkot, nakakatawa, nakakaiyak na pinagdaanan mo kasama ang Pandayan. Nagsimula lang ako noon bilang MA2 sa Pandayan Sampol. Dahil magbubukas pa lang ang tindahan, nagkukutkot kami ng tiles, nagbubuo ng mga rack. Walang-wala akong ideya paano ba ang ginagawa sa ganoon.
Sabi noon ni Ma’am Lorna, idisplay ko raw ang loom bands sa ender. Ang ginawa ko, isinalansan ko syempre. Napagalitan ako at lagyan daw ng Art of Display. Sa loob-loob ko noon, “Ano yun?” Hanggang sa naging regular ako. Isang taon pagkatapos kong ma-regular ay naging ASE ako, dumarami na ang kakilala at kaibigan ko sa Pandayan. Unti-unti na ring natutupad ang mga pangarap ko. Isang taon at kalahati ay naging SE na ako. Dito masasabi kong higit na lumalim ang pagkaunawa ko sa salitang “responsibilidad”. Bilang tagapagpatupad kasi ipinagkatiwala sa atin ng pamunuan ang isang sangay. Kung saan at paano mo dadalhin ang isang Kopon ay sa iyo nakasalalay. Dito ako nakaranas ng mga tagumpay, pagkabigo, mapuri, mapagalitan at marami pang iba.
Isa sa mga pinakaipinagpapasalamat ko sa Pandayan ay dito ko muling natagpuan ang sarili ko. Iyong Raquel na ikinadismaya ng marami noon, kapitbahay, mga guro, kamag-anak, pati mga nanay ng kaklase ko noon. Palagi kong naririnig, “Sayang na bata. Sinayang ang utak.” Ewan ko. May kabanata ng buhay ko na huminto na kong mangarap ng mas maayos na buhay dahil sa tinanggap kong nagkamali ako. Sa Pandayan ko muling nahanap iyong “drive” o will to do better. Nang mabigyan ako ng pagkakataon na maging regular na empleyado, nagsisimula akong makarinig ng mga learning session ni Boss Jun, nagsimula ulit akong mangarap at mahalin ang aking sarili. Patawarin ang aking sarili at patunayang may mas iaayos pa ang buhay ko. Nagpapasalamat ako nang malaki sa Pandayan, kay Ma’am Jen at Ma’am Lorna, kina Boss Jun at Boss Luz, dahil sa inyo, sa pagtanggap at paniniwala sa akin, nahanap at nakilala ko ang mas magandang bersyon ng aking sarili.