Ginintuang Puso
Noong isang araw may Panauhin na babae ang nagbabayad dala ang kanyang napamili na picture frames. Tinanong niya si CSS Ohmar kung maaari raw ba ipalagay na rin niya ang kanyang dalang letrato kaya tinawag ako ni CSS upang ito ay aking mailagay. Nang makita ko ang mga letrato na dala ni Ma’am sabi ko ay kailangan magbawas ng kaunti sa picture upang magkasya ang mga ito. Sumang-ayon naman sa akin si Ma’am.
Dahil mayroong papel ang frame sa loob, kumuha ako ng paper cutter at isinukat ko ang mga letrato sa papel upang maging sukat ang magiging putol ko dito. Nang matapos ko ang tatlong frame ipinakita ko ang mga ito sa kanya at halatang nagustuhan niya ang resulta. Maya-maya nakita kong may kinuha siya sa kanyang bulsa at pilit na iniaabot ito sa akin. Maraming Panauhin ang nagbabayad at nakakita na nag-aabot siya ng halagang isang libong piso na pang-meryenda. Ang tanging tugon ko sa kanya ay “Ma’am, masaya na po ako na mapaglingkuran ko kayo. Balik na lamang po kayo ulit sa Pandayan. Maraming salamat po.” Bago pa man umalis si Ma’am ay muli niya akong pinasalamatan. Sa pagbibigay natin ng magandang serbisyo marami pa rin talaga sa ating mga Panauhin ang may ginintuang puso.