Birthday ni Papa
Sa pag-uwi ko ng Lemery dahil day off ay isinakto ko ng birthday ng aking papa. Hindi ko sinabi na uuwi ako para masorpresa ko lahat sila sa aking pag-uwi. Habang nasa barko ay iniisip ko na ang magiging reaksyon ng aking ama dahil nalungkot siya ng malaman niya na hindi ako makakauwi sa kanyang kaarawan dahil sa meron akong seminar na dadaluhan. Hindi nila alam na nagpagawa na ako ng styro cut sa ating sangay sa LEM67 sa tulong ni Sir Eugene Evangelista. Nagpabili na rin ako sa aking girlfriend ng cake at bago ako umuwi ay namili na ako ng aking panregalo sa aking ama.
Malaki ang pinagbago ng aking buhay mula nang ma-regular sa ating kompanya. Nabibili ko na ang mga kailangan ko. Nakakapagbigay na ng bigas buwan-buwan at nakakatulong na rin sa pambaon ng aking mga kapatid sa kanilang pag-aaral. Hindi pa man ako successful ay alam kong balang araw ay makakamtan ko rin lahat ng aking pangarap basta sipagan ko lang at gawin ng buong husay ang aking trabaho. Inspirasyon ang Pangarap ng Pandayan para sa bawat kapwa: magkaroon ng sariling bahay at lupa, mapag-aral ang anak sa magandang paaralan, makapagsuot ng disenteng pananamit, makakain ng masarap at masustansyang pagkain at makapamasyal paminsan-minsan. Naniniwala ako na unti-unti ay matutupad ito sa tulong ng Pandayan Bookshop.
Nang makauwi na ako ay agad ko nang hinanap ang aking papa at binati ko ito ng “Happy Birthday!” Natuwa ang aking papa at sabay sabi na, “Salamat anak at nakauwi ka sa birthday ko.” Munting regalo man ito ay nakakataba ng puso dahil kahit papaano ay nakakabawi na rin ako sa mga sakripisyo nila sa akin noong ako’y nag-aaral pa.