Bereavement Leave Benefit ang Lolo at Lola
Nito lamang February 14 sa edad na 81, binawian ng buhay ang aking Lola sa Bicol, habang nasa ospital. Hindi na kasi ito kumakain at nanghihina na.
Ang aking Lola na nag-iisa na lamang, simula pa lamang noong maliit ako, tuwing bakasyon at walang pasok, ay madalas akong pinapauwi ng mama at papa ko sa probinsya. Doon ako nagbabakasyon upang makasama ako ng aking Lola at Lolo. Sa aking murang edad ay napagtanto ko na ang buhay sa probinsya ay mahirap pero masaya. Nasa bundok nakatayo ang bahay ng aking mga Lolo at Lola. Walang mga tindahan na katabi. Kapag kailangan ng yelo o di kaya may bibilhin ay tatawid pa kami ng ilog at maglalakad sa putikan ng 1 oras para lamang mabili ang aming pangangailangan.
Walang katumbas na halaga ang pagmamahal ng isang Lola at Lolo sa aming mga apo nila, sa pag-aalaga at mga payo ay napakarami kong natutunan. Kahit malayo kami at ako ay lumaki na ay hindi napuputol ang aming komunikasyon sa tulong ng aking mga Tita at Tito sa probinsya gamit ang Cellphone. Kaya noong Araw ng mga Puso, habang naka break ako ay tumawag ang aking kapatid at iyak ng iyak na binalita na wala na raw ang aming Lola. Madami ng kamag-anak ang kumukontak sa akin. Hindi ko na muna ito pinansin.
Hindi ko alam kung paano ako magre-react sa pagkawala ng aking Lola. Kamakailan lang ay kausap ko pa si Lola thru video call. Ang lakas at masigla na sabi niya na uuwi siya sa Manila at magbabakasyon. Subalit laking gulat ko na biglang binawian na ito ng buhay. Pinigilan ko ang aking luha at damdamin na hindi muna magpaapekto sa pagkawala ng aking Lola, sapagkat kailangan kong magpakatatag dahil Araw ng Puso at kailangan ako ng aking Kopon at Tindahan.
Bandang hapon ay nabanggit ko ito sa aking ASE. Pigil ang aking luha. Biglang sabi niya sa akin ay “Maam, yung Approved na Go for Broke, magagamit mo po iyon. Mayroon ng binigay na 2 days BL para sa malayo at kasama na doon ang Lola at Lolo.”
Hindi ko na naisip ang bagay na ito kung hindi pa nabanggit sa akin ng aking ASE. Agad po akong nagpaalam sa aking GE para mag file ng Leave at ipinaalam sa HR na gagamitin ko ang aking BL Benefit. Sabi ng aking mga kapatid, “Ate, masaya na si Lola kahit sa huling sandali niya ay nakasama natin siya at kumpleto tayong lahat.” Nagpapasalamat ako at nasa mabuti akong kompanya, na palaging iniisip ang kapakanan ng mga Kapwa at mga mahal namin sa buhay. Salamat Pandayan!