Badjao Girl
May batang Badjao na pumasok sa tindahan namin ng tanghaling tapat. Hindi naman siya umikot sa tindahan. Nakatayo lang siya malapit sa pintuan at sa guard. Sabi niya sa amin, “Bakit hindi ninyo ako pinapaalis o pinapalabas?” Sagot ko naman “Dahil Panauhin ka namin. Wala ka naman ginagawa na hindi maganda. Bakit ka namin papaalisin?” Sa ibang tindahan daw kasi pagpumapasok siya ay pinapaalis siya.
Tinanong ko siya kung bakit iisa ang kanyang tsinelas. Napigtas daw yung isa kaya iniwan na niya sa daan. Tanghaling tapat nang oras na iyon kaya siguradong masakit sa paa habang naglalakad siya. Kinuha ni Kapwa Denzzel ang tsinelas niyang baon. Tinanong niya yung bata kung gusto niya ba iyon kahit medyo malaki sa kanya ng konti. Nahihiyang sumagot ang bata at nakangiti lang. Inaabot niya ito at nahihiya pang kunin. Kaya ang ginawa ni Denzzel ay siya na mismo ang nagsuot sa bata. Nagpasalamat naman ang bata sa kanya. Nagpasalamat din naman ako kay Denzzel sa kabutihang loob na ipinakita niya. Bata, matanda, mayaman man o mahirap, dito sa Pandayan, lahat ng pumapasok ay pantay-pantay ang aming pagtingin. Lahat ay tinuturing namin na Panauhin.