BUNGA NG ALYANSA SA EDUKASYON

BUNGA NG ALYANSA SA EDUKASYON

November 2023 noong magtungo ang Team Alyansa Sa Edukasyon sa Bongabon, N.E. Ang hiling ng Mabaldog Indigenous School ay water pump. Ang kanilang hiling na water pump ay hindi lamang para sa school kundi makatutulong din sa mga pamayanan na naroon sa lugar. Malaking pasasalamat ang kanilang ipinaabot sa kanilang natanggap. May dala rin kaming school supplies na ibinahagi sa mga bata at kaunting merienda.
Napansin ko na walang sapin ang paa ang karamihan sa mga bata. Iniisip ko kung paano ang kanilang paglalakad sa mabatong daan at malayong uwian nila. Madami rin sa mga bata ay halos tatlong (3) araw na ang kanilang mga damit.
Maraming kwento ang aming nabatid dahil pagkatapos noon ay inimbitahan kami sa kanilang headquarters. May inihanda silang pagkain dahil matagal daw po ang pabalik. Simple at masustansiya ang kanilang inihaing pagkain at hindi na rin po kami nakatanggi at doon ipinagpatuloy namin ang kwentuhan ukol sa mga karanasan at mga hamon sa mga bata.
Nakiusap ang mga guro na hintayin na namin sila dahil wala silang masasakyan pababa, pauwi sa kanilang pamilya. Narinig namin ang kwento ng mga guro na talagang sakripisyo rin para sa kanila pero ang nagtutulak sa kanila para magpatuloy ay ang mga batang umaasa sa kanila at ang kanilang pangarap sa mga batang ito na makatapos ng kanilang pag-aaral at balang araw na magtuturo din sa kanillang mga kapwa na naroon.
Hindi madaling marating ang lugar na ito ng Mabaldog. Isang linggo sila na narito at bababa lamang kapag kailangan. Wala ring kuryente dito. Tanging mga solar panel lamang ang pinagkukunan nila ng mga kuryente. Nakakalungkot dahil malayo sa kabihasnan ang lugar kaya umaasa lamang sila na mayroong magmamagandang-loob na tumulong sa kanila kahit sa pagkain lamang. Noong ako ay nagsalita sa harap ay hindi ko din napigilan ang maluha dahil sa mahirap na kalagayan ng mga kababayan natin na naroon.
Noong pagbalik ko sa tindahan, naikwento ko ang aming paglalakbay sa Mabaldog Indigenous School. Ibinahagi ko ang mga larawan sa GC para makita nila ang kalagayan ng mga batang nasa tribo ng Dumagat. Hindi nag-atubili ang mga Kapwa. Halos lahat sa pangkat ay nag-ambag ng pera. Mayroong taga ibang pangkat. Si SE Marky Balcita na nagbahagi rin. May mga nagbahagi ng mga damit, sapatos, school bags na pinaglumaan ng mga anak, at mga ilang gamit.
December 14, muli kaming bumalik para maghandog ng mga tsinelas at ilang makakain dahil magpapasko. Kasama ko sa araw na iyon ang mga SE na sina Mai, Jessa, Jeff, Jessie, Elmer, at PPA Norte para magbigay ng libreng araw para maihatid ang mga handog na ito.
Maaga pa lamang ay bumiyahe na kami papuntang Mabaldog. Talagang sinusuong ng sasakyan ang mga mabatong kalye, pati mga sapa at ilog para lamang makarating sa Mabaldog IS.
Nagkaroon ng kaunting programa. Naimbitahan akong magsalita at hindi ko maiwasan na tumulo ang luha ko sa mga oras na iyon. Nadala ako ng sitwasyon. Nagagalak ang aking puso na makapagbigay ng munting kaisyahan. Nakita namin ang mga ngiti ng pag-asa sa mga bata.