BGAKI

BGAKI

Nitong nakaraang KP ay binahagi ni Boss Jun ang Panday sa Alon ng Pagbabago. Isa ang Pandayan sa masasabi nating Living Company dahil hindi ito tumitigil sa paglaki at nagkakaroon tayo ng pagbabago upang sumabay sa panahon at sa mga bagong hamon na kinahaharap. Sa personal na buhay ay magagamit din natin ang pagbabagong ito. Isang malaking hamon sa bawat Kapwa ang pagbabago, lalo na at tao lang tayo at may mga nagagawang kamalian. Bawat isa ay may kalakasan at kahinaan pero hindi dapat ito maging dahilan upang hindi natin magampanan ng maayos ang ating gawain. Kaya nariyan ang mga GE, mga Kapwa sa LK at ang ating mga Boss upang gabayan tayo sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng ating mga learning sessions at Kultura ng Tagumpay ay magagampanan natin nang maayos ang ating mga tungkulin.
Isa sa tumatak sa akin ay ang BGAKI, Batid na dapat magbago, Gustong magbago, Alam kung paano magbago, Kayang magbago at Isinasabuhay ang pagbabago. Isa ito sa maaaring gamitin ng mga SE at GE sa mga Kapwang kanilang nasasakupan, ang mahikayat ang Kapwa na baguhin ang kanyang sarili sa maayos at tamang paraan. Magsisimula ang prosesong ito sa pagtanggap ng Kapwa sa kanyang kamalian. Mahirap ipilit ang pagbabago kung hindi alam o hindi malinaw sa Kapwa ang kanyang kamalian, hindi masisimulan ang ninanais na pagbabago kapag hindi marunong tumanggap ng pagkakamali ang isang kapwa. Isa sa pinakahinangaan ko sa Pandayan ay ang pagiging maunawain at ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa Kapwang nakagawa ng kamalian at mga Kapwang nais magbago mula sa kanilang pagkakadapa. Maging daan sana ang learning session na ito upang mamulat ang lahat na hindi masamang magkamali. Tao lang tayo at hindi tayo perpekto. Ang masama ay ang hindi pagtanggap sa pagkakamali.