Ang Sarap Makatulong
Habang papauwi na ako galing trabaho, maulan ng mga oras na ito. Sa madilim na lugar na dinadaan ko sa Hi-way tapat ng Agarao Compound may nakita akong lalaki na nagtutulak ng motor at nasa likod niya ay isang babae naman na naglalakad kasunod niya. Hinintay ko siya sa maliwanag na lugar at tinanong, “Kuya, anong nangyari sa’yo? Na-flat ba gulong mo?”
“Hindi po, Ate. Ayaw mag-start. Kicker lang kasi gamit ko,” sagot niya sa akin. Sabi ko sa kanya na akala ko na flatan siya at may tire sealant kasi ako. Inisip ko na wala akong matutulong sa kanya kaya nagpaalam na ako. Habang papauwi ako napaisip ako kung papaano kung walang tumulong sa kanila. Ilang bahay na lang mula sa’min ay makakauwi na ako, pero nag-iisip talaga ako at naaawa sa kanila dahil naulan rin. Binalikan ko sila at sinabi ko na itulak na lang ang motor nila. Nagdasal muna ako dahil sa totoo lang takot rin kasi ako lalo na’t naulan at gabi pa. Habang nagdi-drive ako tinutulak ko ng isang paa ang motor niya at sa akin na nakaangkas ang babaeng kasama niya. Medyo malayo ang lugar na pinaghatiran ko sa kanila. Siguro mga 10 to 15 minutes ang biyahe namin sa Barangay Sabang pa kasi ito. Nang makarating kami sa lugar nila, papasok pa ito pero sabi ni Eril doon na lang sila sa may kanto. Kaya na naman kasi nila. Nagpasalamat sila sa akin at gusto pang magpapicture. Sabi ko, “Ok na iyan, kuya. At least nakauwi na kayo nang maayos.” Nahihiya kasi ako at hindi rin ako sanay i-post. Bago ako mag-drive pauwi sa amin, nagdasal ulit ako at sinabi ko na “Salamat Panginoon dahil ginabayan mo ako at nakarating kami nang ligtas sa kanila.” Ang sarap sa pakiramdam na makatulong ka kahit kinakabahan at natatakot ka. Takot na kasi akong magdrive na naulan dahil sa aksidente ko last year pero dahil gusto kong makatulong nilaban ko talaga ito.