Ang Kabutihan ay Bumabalik
Umuwi po ako ng aming tahanan sa Sariaya nito lang nakaraan araw dahil day-off ko rin po kinabukasan. Pagsakay ko po ng e-jeep biyaheng Lucena ay may nakasakay po akong naging Panauhin sa Pandayan. Nginitian ko lamang po siya at binati po ng “Mabuhay!” Habang naghihintay po ng iba pang pasahero ay umakyat na po ang konduktor at naningil ng pamasahe. Naka earphone po ako kaya di ko masyadong dinig ang sinabi sa akin ng konduktor. Di niya po tinanggap ang bayad ko at itinuro po sa akin ang ating Panauhin. Inulit niya po ang kanyang sinabi at naintidihan ko na po na pinagbayad na pala po ako. Malakas pa ang kanyang pagsasabi na “Wala iyon. Di kasi kayo natanggap ng tip kaya pinagbayad na kita ngayon. Buti nakasakay kita. Di mo na ko matatanggihan ngayon.” Ganoon na lang po ang pasasalamat ko sa kanya hanggang sa bumababa na siya ay nagpasalamat pa po ako ulit. Di ko lang po alam ang kanyang pangalan dahil sa mukha lang po sya pamilyar sa akin. Di ko na po mabilang ang karanasan na nangyari ito sa akin simula nang naging Kapwa Panday po ako. Totoo nga po pala talaga na ang kabutihan mong ginagawa sa iyong kapwa ay babalik din sa iyo.