Ang Aking Puso ay Nagagalak
Isa sa pinaka-exciting na pinaghandaan ng mga Kapwa ay ang pagpunta sa bansang Malaysia . Ako ay napabilang sa Batch 1. Bago pa man ang itinakdang araw para sa aming pagpunta sa Malaysia ay talagang hinanda ko ang aking sarili at ang aking mga gagamitin para sa 4 na araw na pamamasyal sa Malaysia. Excited ako na inimpake ang mga gagamitin ko at mga susuotin. Ilang araw bago kami pumunta ng Malaysia ay nagpaayos na ko ng aking buhok, kilay at pagpapalinis ng kuko sa kamay at paa upang maging fresh at maayos kapag nagpunta ng ibang bansa.
Ang mga guide na ibinigay ng JLT Tour ay malaking bagay para maiayos naming maigi ang mga gamit na aming dadalhin. Hindi na ko masyadong nakatulog at alas tres pa lang ng umaga ay umalis na ako sa bahay dahil 5:30 ay susunduin ako sa Caloocan papuntang Central. Naging maayos ang aming pagpunta sa NAIA at doon kami nagkita-kita ng mga 1st batch na mga Kapwa na pupunta sa Malaysia. Nandoon na rin si Maam Rhio na super assist sa amin at ang aming Tour Guide at Owner ng JLT Tour na si Ms. Linda Tan at kasama rin ang kanyang anak na si Sir John.
Kumain muna kami bago sumakay sa eroplano. Nagpicture picture muna para may remembrance. First time ko makasakay ng eroplano at pang international flight pa! Masaya at safe kaming nakarating sa paliparan ng Malaysia. Pagdating doon ay picture picture ulit ang mga kapwa. Dumaan kami sa Immigration ng Malaysia. Pagtapos nito ay sinalubong na kami ng aming tour guide na si Sir Fahmi at dumiretso na kami para kumain. Pagkatapos nito ay inihatid kaming lahat sa Metro Hotel Bukit Bintang.
Pagdating namin sa hotel ay nagpahinga na rin muna. Si Maam Josie ng PED35 ang aking naging travel buddy sa Malaysia at siya rin ang aking naging roommate. Masarap humiga sa kama ng aming hotel. Malinis at kasarap gumising ng umaga kapag ganito kaganda ng paligid ang masisilayan. Kinabukasan ay masarap na pagkain ang bungad sa amin sa hotel. Eat all you can. Kasarap naman talaga kapag ganito paminsan-minsan, nakaka-relax. 9:00 am ay sinundo na kami papunta sa Batu Caves na kung saan ito ay kilalang-kilala na lugar doon sa Malaysia. Ang makikita mo na bungad ay ang statue ng Hindu God. Ito rin ay may 272 steps upang makarating ka sa tuktok at makita ang kweba na nandoon. Pinilit namin na akyatin ito. Masaya naman at fulfilling. May nakita rin kami na mga unggoy doon. Pagkatapos nito ay pumunta kami sa Genting Highlands. Ang ganda ng lugar na ito. Ang lamig! Sa cable car na aming sinakyan ay nalulula ako pero kakaibang experience ito. Magandang tingnan ang mga view sa paligid. Nagpunta rin kami sa bilihan ng mga pasalubong. Kinagabihan ay pumunta kami ng mga Kapwa para sa bilihan ng mga chocolate. May mga free taste din. Marami kaming nabili na pampasalubong.
Day 3 – Nagpunta kami sa Kings Palace – Istana Negara. Marami ring turista ang aming nakasabay pagpunta dito. Picture-picture ulit ang mga kapwa. Nagpunta rin kami sa River of Life. Ang ganda ng lugar na ito. Pagkatapos nito ay tumuloy kami sa Central Market na kung saan ang dami naming nabili na mga pasalubong para sa aming mga mahal sa buhay, chocolates, coffee, at iba pa. Nagpunta din kami sa Chocolate Factory na kung saan napakaraming chocolate doon ang mapagpipilian. Pumunta din kami sa Jadi Batek na kung saan ipinakita doon ang paggawa ng mga batik designs na ito ay handmade at ito ay talagang tatak Malaysia. May mga paninda rin doon na pwedeng bilihin na may mga batik designs. Pagkatapos ng nakakapagod na pamamamasyal ay di pa rin natapos ito. Nagpunta naman kami sa China Town. Dito raw mabibili ang mga mura na pampasalubong. Kasama namin sila Maam Jacque ng MAM141 at Maam Eds ng DPN53 para sa pagpunta doon. Nakabili kami ng t-shirt, shoulder bag na may tatak na Malaysia at iba pa na mga pang-souvenir.
Day 4 - 12 pm na kami sinundo ng bus at pumunta kami sa Putrajaya at kumain kami sa Putrajaya Restaurant. Ang ganda ng lugar na ito at masarap din ang pagkain. Masasabi ko na mahilig ang mga Malaysian sa mga spicy food, scrambled eggs, tofu at iba pa. Yun kasi ang madalas na ihain sa amin. Pagkatapos naman dito ay nagpunta kami sa Mitsui Outlet Park na kung saan mga branded na mga paninda ang nandito sa Mall na ito. Kasunod nito ay nagpunta na kami sa Klia International Airport at naghintay na ng aming flight. Biyernes ng madaling araw ay nasa Pilipinas na kami dala ang mga magagandang alaala sa aming pagpunta sa Malaysia.
Masaya ako at ang mga Kapwa. Pati na rin ang aking puso ay nagagalak dahil sa mga lugar na aming napuntahan. Nakaka-relax at masarap sa pakiramdam. Maraming salamat po Pandayan sa pagpaparanas ng ganito po sa amin. Napakaswerte ko po at ako ay napabilang sa kompanyang may malasakit sa mga empleyado at may pa-treat pa sa mga empleyado na ganito. Thank you, thank you po!