Alyansa sa Iba at Capas
Kakaiba at matatawag kong heartwarming ang naging Alyansa sa Edukasyon sa Capas, Tarlac at Iba, Zambales. Ang mga paaralan na pinuntahan namin ay ang ABDSA Aeta Elementary School sa Iba, Zambales at Pisapungan Elementary School sa Capas, Tarlac. Ang paaralan rin na ito ay lugar parehong Aeta school at nasa bundok, at kailangan maglakad o bumiyahe ng 1-3 oras depende sa panahon. Pagdating namin sa kanilang lugar ay sinalubong kami ng ngiti ng mga mag-aaral na Aeta pati na mga guro.
Pinaka-challenging na pinuntahan namin ay sa Pisapungan E/S kung saan sumakay kami ng 4x4 Jeep at nabugbog sa byahe. Dahil na rin sa mabato at hindi maayos na daan, dagdag pa ang pataas na lugar dahil paakyat ito ng bundok. Kaya hindi pa kami nakakarating ay pagod na kami. Paano pa kaya ang mga gurong nagtuturo sa paaralan nito? Kaya talagang namangha kami sa sakripisyo ng mga guro dito.
Nasabi kong kakaiba din ang Alyansa sa mga paaralan na ito dahil ang mga nagtuturong guro sa mga paaralan na ito ay may lahing Aeta at katutubo sa lugar na ito. Nakakakilabot nang mabanggit nila na napili nila at maswerte silang napunta rin sa mga Aeta school dahil gusto nilang turuan at tulungan ang sarili nilang kadugo. Kaya kahit anong hirap at sakripisyo ay ginawa nila para sa kanilang mga estudyante para makapagtapos ang mga ito. Gayundin ay mapatunayan na ang mga Aeta ay may kakayahan para maabot ang mga pangarap na ito. Sila na rin na mismong mga gurong may dugong Aeta ang nagpapatunay dito dahil ngayon ay nakakapagturo na sila.
Nakakatuwa dahil ramdam na ramdam at makikita mo sa kanilang mga mata ang dedikasyon para makatulong sa mga kababayan nito kahit na sila mismo ay hirap din sa buhay. Sabi nga ni Sir Bernard na guro sa ADBSA Aeta ES, “Kahit mga school supplies na lang daw ang ibigay sa kanila ay sapat na.” Ito ay dahil hirap ang mga estudyanteng Aeta na makabili ng sarili nilang gamit, at sila mismong mga guro ang nagpo-provide nito sa kanila gamit ang kanilang sariling pera. Isang bayani talaga ang ating mga guro!