Ako ay Haligi ng Tindahan
Naging kasama na sa pang-araw-araw kong gawain na sukatin ang aking mga nagagawa. Dapat ay magawa ko ang gawain ko bilang ASE at makatulong din ako sa iba pang gawain sa tindahan. Bilang Kapwa Panday ay batid ko sa aking sarili ang pagiging haligi ko sa loob ng tindahan. Hindi ako maaaring magpabaya sa mga dapat gawin sa loob ng tindahan dahil lagi kong iniisip na isa ako sa huling linya na gagawa sa mga hindi matapos na gawain. Kaya naman kung ano ang aking madaanan na hindi pa natatapos ay kinakamusta ko ito at tinatanong ko ang Kapwa kung bakit hindi natapos. Kung kaya ko naman at mabilis lang gawin ay akin na itong tinatapos upang sa gayon ay hindi na maging trapik pa sa mga gawain.
Alam naman natin na hindi nauubos ang mga gawain sa tindahan bagkus ay nadadagdagan pa ito kaya kung hindi aaksyunan ay matatambakan tayo ng mga gawain. Importante na maging mapanuri tayo sa lahat ng oras dahil ang oras ay mahalaga at hindi na natin ito maibabalik pa upang gamitin pang muli. Lagi ko rin iniisip ang aking mga Kapwa na kasama ko sa loob ng tindahan. Kung ako ay susuko o magpabaya ay malaking epekto ito sa loob ng tindahan. Ang pananaw ko ay walang hindi kakayanin na hamon sa loob ng tindahan. Magkamali man, tayo ay babangon at ating gagawin ang tama.