10 Years in Service
Nito lamang Pebrero 2024 ay aking ika 10 taon na sa Pandayan Bookshop.
Habang nagmumuni-muni ako, nagbalik sa aking alaala noong nagsisimula pa lamang ako sa Pandayan. Nakapasok ako sa Pandayan sa edad na 19. Kapapanganak ko lamang nito, limang buwan nakalipas at kailangan magtrabaho para sa anak at lima kong mga kapatid dahil sa ako ang panganay. Ako ang inaasahan ng aking mga magulang para matulungan sa pag-aaral ang aking mga kapatid.
Dalawang trabaho rin ang aking napasukan SM at Maxs Restaurant, bago ako pumasok sa Pandayan. Subalit iba yung saya na naramdaman ko noong ako ay nagtrabaho sa Pandayan – saya, dahil sa magandang environment na kung saan napaka approachable ng mga pinuno. Masaya kang papasok at uuwi dahil sa dami ng kakaibang ginagawa at sa mga kasama mo na hindi mo maramdaman ang pagod dahil magagaan sila kasama. Hanggang sa sumagi sa aking isip na sana balang araw makapag suot ako na dilaw na uniporme, gusto ko maging kagaya nila.
Naalala ko pa ang tanong sa akin ng aking SE noon kung ano raw ba ang pangarap ko. Mabilis ang aking pagtugon “Simple lang Sir. Gusto ko po ng simpleng buhay lang, makatulong ako sa aking mga magulang, kapatid at sa pamilya ko. Makaraos kami sa araw-araw at magkaroon ng maayos na trabaho. Iyan po ang pangarap ko.”
Naalala ko pa noon na hindi pa ako nakasuot ng dilaw na uniporme ay nalipat na agad ako ng ibang sangay. Naalala ko noong bago ako na-regular itinatak sa aking isip na aking pinuno na hindi ka na-regular sa isang branch lamang na-regular ka para sa buong Pandayan. Kaya ramdam ko pa rin ang excitement tuwing ako ay nalilipat ng iba at ibang sangay na tila ba napupuno ako ng karanasan at kaalaman sa mga pinuno at mga Kapwa na aking mga nakakasama. Sa aking sampung taon ay walong sangay na ang aking nalipatan. Palagi pa rin akong excited.
Naalala ko pa noong nagsakripisyo ang aking asawa na mag-resign para sumama sa akin sa Angono. Dahil nalipat ako noon ay sinama ko ang aking pamilya. Halos isang taon pa lang ang aking anak noon. Kahit hindi sumasapat ang aking sinasahod noon dahil 3rd Arm pa lamang ako noon ay nagpapadala pa rin ako ng pera sa mga magulang at mga kapatid ko. May pagkakataon pa nga na umaga sopas ulam namin hanggang gabi ay sopas pa rin para lamang makaraos kami sa araw-araw. May pagkakataon na hindi talaga ako nakakaipon noon dahil ako nga ang inaasahan ng aking mga magulang dahil hindi rin naman ganoon kalaki ang kita ng aking ama.
Hanggang sa nakapagtapos na ng kolehiyo ang aking kapatid ay hindi ko inaasahan na mag-a-apply din ito sa Pandayan. Sa kabutihang palad ay na-regular din ito at ngayon isa na rin siya sa aking katuwang sa pagtulong sa aking mga kapatid. Naging magaan ang lahat sa akin dahil nakita kong hindi nasayang ang mga sakripisyo at pagtulong ko sa aking pamilya. Sobrang mahal ko ang aking mga kapatid. Itinatak ko sa aking isip at puso ang pangaral sa akin ng aming ama, “Nandito man ako sa mundo o wala na, gusto kong magmahalan kayong magkakapatid. Magtulungan kayo. Huwag ninyong ituring na kaaway ang bawat isa.”
Natulungan din namin ng kapatid ko na si ASE Raffy ang aming bunsong kapatid na magtayo ng sariling negosyo. Nagpahiram kami ng puhunan para sa mga kagamitan at mga gagamitin sa kaniyang negosyo at noong kumita na ang aming bunsong kapatid ay unti-unti ay binabayaran niya ito sa amin.
Naalala ko pa noon na magluluto lang ang nanay ko ng dalawang scrambled egg na paghahatian naming magkakapatid. Hinahati na parang pizza para magkasya sa aming anim na magkakapatid. Ngayon sa tuwing may magbi-birthday sa aking mga kapatid madalas nagbibigay ako ng cake at kung minsan pa ay hinahandaan.
Masasabi kong malayo na pero malayo pa. Salamat sa Pandayan Bookshop na malaki ang naitulong sa aking personal na buhay. Sa aking sampung taon sa pagseserbisyo, aking pagbubutihin at mamahalin ang aking trabaho at patuloy na isasabuhay ang ating Kultura ng Tagumpay. Salamat Pandayan sa walang sawang paggabay at sa pagmamalasakit at pagmamahal sa mga Kapwa.