
10 Taong Paglilingkod
Naaalala ko pa noong unang namasukan ako bilang isang probee sa Pandayan na walang ibang sumagi sa aking isipan kundi magtrabaho lang para kumita ng pera at nang matugunan ang aming pangangailangan sa araw-araw. Dahil doon ay wala din sa isipan ko na maregular at magkaroon ng permanenteng trabaho dahil marami pa naman akong mapapasukan noon at iba pa ang aking pananaw dahil ang inaakala ko ay lahat ng kumpanya ay pare-pareho lamang. Ang ginawa ko lang noon ay magtrabaho ng naaayon sa ibinigay sa aking tungkulin at sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay naging Kapwa Panday ako.
Mula nang ako ay maregular maraming nabago sa akin dahil na rin sa mga turo ng Pandayan na maisasagawa mo rin sa iyong personal na buhay. Una sa aking sarili, pananaw sa buhay na dati ay walang direksyon, hindi iniisip ang mangyayari in the future na ngayon ay natutong mangarap at unti-unti na itong natutupad.
Malasakit sa mga kapwa na kung saan ay pinaparamdam ito ng may-ari at hindi pina-pabayaan ang kanilang mga empleyado. Ito rin ang dahilan kung bakit pinagbubuti ko ang aking tungkulin at naglilingkod ng tapat sa kumpanya lalo na sa ating mga Panauhin. Hindi lamang kumpanya ang kanilang pinapaunlad maging ang kanilang mga empleyado na naibibigay ang sapat at sobra-sobra pang mga benepisyo.
Bukod pa sa pag-unlad ng kumpanya at ng kanilang mga empleyado ang kanilang hangarin. Hanggang sa dumating sa puntong tumutulong na rin sila sa mga pamayanan. Lahat ng ito ay aking nasaksihan sa paglalakbay ko sa kompanya ng 10 taon at nais ko pang maglingkod ng matagal dahil sa mabubuti nilang hangaring nais maisakatuparan.